352 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa ka-6 na Lnggo ng Pagkabuhay, 18 May 2023, Jn 16,16-20
Sabi ni Hesus sa ebanghelyo, “Saglit na lang at hindi na ninyo ako makikita, ngunit saglit din lang at magkikita rin tayong muli.” Mabuti pa ang Tagalog merong translation para sa Greek word MIKRON na ginamit ni St. John sa Gospel reading natin. Ang English translation ay “In a little while”. Pero sa Tagalog, isang salita lang—pwedeng “sandali”, pwedeng “saglit”, ibig sabihin “maikling panahon”.
Palagay ko ito ang dahilan kung bakit akala ng mga unang Kristiyano—pati ni San Pablo mismo—na mararanasan pa nila ang muling pagbabalik ni Hesus, na aabutin pa nilang buhay ang pagdating ng last judgment, ng katapusan ng daigdig o wakas ng panahon.
Tuloy nagka-crisis ang mga alagad sa Tessalonica nang nagsitanda at isa isang nangamatay ang kanilang mga kasamang alagad at hindi pa bumabalik ang Panginoon. Palagay ko tinanong nila ang sarili nila, “Nagkamali ba tayo ng intindi sa kanya? Nakalimutan na ba niya tayo? Bakit hindi na niya tayo binalikan tulad ng ipinangako niya? Tayo ba ay naghihintay sa wala?” Basahin ninyo sa 1 Thessalonians 3:13-18 ang paliwanag ni San Pablo.
Ang tawag sa mga nagsasabing malapit na malapit na ang wakas, ay MILLENARIANS. Usually sumusulpot sila pag malapit nang matapos ang isang milenyo. Minsan sumusulpot din sila kapag end of the century. Tapos, pag hindi dumating ang hinihintay nila, pino-postpone nila.
Si St. Peter ang mahusay na sumagot sa mga millenarians noong panahon niya na nagsasabing saglit na lang at darating na ang wakas, ang last judgment at muling pagbabalik ng Panginoon. Medyo nakakatawa ang paliwanag niya sa 2 Peter 3:8. Sabi niya, “…huwag sana ninyong kakalimutan mga minamahal, na ang isang libong taon ay katumbas ng isang isang araw lamang sa Panginoon.” Palagay ko pinulot niya ito sa Salmo 90:4: “Ang isanlibong taon sa Panginoon ay parang isang araw lang na lumipas sa inyo, o parang ilang oras lang sa gabi.”
Sabi pa niya sa v.10, “Ang araw ng Panginoon ay darating na tulad ng isang magnanakaw…” Ibig sabihin, biglaan. Saglit lang. Kailan iyon? Gaano katagal? Paano malalaman na malapit na talaga? Sa dulo ng pagbasa sa ebanghelyo, merong ibinibigay na clue o hint si Hesus. Sabi niya sa v. 20, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, iiyak kayoʼt magdadalamhati habang ang mundo’y nagsasaya. Magluluksa kayo, ngunit ang kalungkutan ninyo ay mapapalitan ng kagalakan.”
May mga palatandaan daw na dapat bantayan. Di ba sinabi ibinilin niya na dapat pagmasdan ang mga “signs of the times”? Ang mga palatandaan ay parang katulad daw ng paghahanda ng isang babeng buntis na malapit nang manganak. Sinabi rin ito ni San Pablo sa Romans 8:22-23:
“Alam natin na hanggang ngayon, ang buong nilikha ay naghihirap at dumaraing tulad ng isang babaeng manganganak na. At hindi lamang ang buong nilikha, kundi pati tayong mga tumanggap ng Banal na Espiritu na siyang unang kaloob ng Dios ay dumaraing din habang naghihintay tayo na matubos ang ating mga katawan at mahayag ang ganap na katayuan natin bilang mga anak ng Dios.”
Iyon ang saglit na pinakahihintay natin.