212 total views
Kapanalig, ang gutom ay nanatiling malaking problema sa ating bayan. Hanggang ngayon, kahit na marami ng pagbabago sa ating bayan, ang gutom at malnutrisyon ay sumisikil pa rin sa buhay ng maraming Filipino.
Ang nakakalungkot, sa gitna ng gutom ng maraming Filipino, ang korupsyon at kasakiman ay talamak pa rin sa maraming sektor ng bayan. Nawawalan ng saysay ang ating kapatiran at pagkakaisa, dahil naiiwan sa kahirapan ang maraming Filipino. Kanya-kanya na tayo. Wala tayong komunidad na nakakasama.
Ang komunidad at pakikiisa ay napaka-halaga sa ating panahon ngayon kung kailan mas lumalala ang banta ng food insecurity hindi lamang sa ating bansa, kundi sa marami pang mga bansa sa buong mundo. Ang mabilis na pagtaas ng bilihin, ang pagmahal ng langis at enerhiya, pati nga mga pataba o fertilizer ay nagmahal ngayon – ang mga ito ay ilan lamang sa mga salik na nagpapapala ng food crisis sa buong mundo. Hindi pa man nakakabangon ang mundo sa pandemya, nag-uusbungan na naman ang mga panibagong banta sa katiyakan sa pagkain. Ayon nga sa Food And Agriculture Organization ng UN, noong 2021, 828 million ang may “empty plates” sa buong mundo – 828 milyong taong gutom. Sa Pilipinas naman, ayon sa survey ng World Food Programme noong Oktubre 2022, isa sa sampung kabahayan sa bansa ay food insecure, at karamihan sa kanila ay matatagpuan sa BARM, Region 8 at Region 12. Liban pa dito, 7 sa 10 kabahayan ang gumagawa ng iba ibang diskarte upang tugunan ang problema ng food insecurity. Pangungutang ang karaniwang paraan nila upang huwag magutom.
Kapanalig, sa panahon ngayon na marami ang nagugutom at naghihikahos, sana’y may pwesto sa ating hapag ang mahihirap nating kababayan. Sa gitna na pagkadami-daming hamon sa buhay natin, ang paniniguradong lahat tayo ay may pagkain sa hapag ay kongkretong paraan ng pakikiisa at komunidad.
Huwag sana natin makalimutan ang ating kapatiran at komunidad, kapanalig. Huwag maging makasarili. Bilang Kristyanong Katoliko, dapat laging may pwesto ang nangangailangan sa ating hapag kainan. Paalala sa atin ng Evagelium Vitae, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: Whenever our interior life becomes caught up in its own interests and concerns, there is no longer room for others, no place for the poor. God’s voice is no longer heard, the quiet joy of his love is no longer felt, and the desire to do good fades.
Sumainyo ang Katotohanan.