657 total views
Mga Kapanalig, ayon sa Maynilad, ang isa sa dalawang pribadong water concessionaires sa Metro Manila at karatig-lalawigan, mahigit 1.1 bilyong litro ng tubig ang nasasayang sa mga linya nito dahil sa mga pagtagas at mga iligal na koneksyon. Ang naaaksayang tubig ay mahigit 40% ng 2.7 bilyong litro ng tubig na alokasyon ng Maynilad mula sa Angat Dam.1
Kaunti na nga raw ito, dagdag ng Maynilad. Mas maraming tubig ang naaaksaya raw noong bago napunta sa DMCI-MPIC Water Company ang pamamahala sa water concessionaire noong 2007. Nabili ng kumpanya ang 84% ng shares ng Maynilad mula sa mga Lopez na pinangasiwaan ito umpisa ng mapasapribado ang pamamahala ng tubig sa Metro Manila at ilang bayan sa Cavite noong 1997.2 Halos 75% ng pipelines na minana mula sa mga dating may-ari ay pinalitan na ng kasalukuyang nangangasiwa ng Maynilad upang mabawasan ang naaaksayang tubig. Isa raw sa mga pangunahing suliranin ng Maynilad para maisaayos ang mga tumatagas na pipelines ay ang mabagal na pagproseso ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga permits. Sa katunayan, mayroon daw silang mga pending permits para sa 21 na lugar sa Metro Manila.
Mayroon pang mga suliraning kinakaharap ang Maynilad tungkol naman sa mga pinanggagalingan ng tubig nito. Nasa 10% ng tubig ng Maynilad ang mula sa Laguna Lake, samantalang 90% ay mula sa Angat Dam. Kasalukuyang bumababa ang kalidad ng tubig sa Laguna Lake dala ng mga industrial pollutants at labis na kemikal at pakain o feeds sa mga palaisdaan.3 Ang Angat Dam naman, na kayang magbigay ng apat na bilyong litro ng tubig kada araw, ay hindi na sapat sa pangangailangan ng populasyon sa Metro Manila. Ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS, nasa apat na bilyong litro ng tubig kada araw ang pangangailangan sa Metro Manila noong 2010 at 395 milyong litrong tubig ang kulang araw-araw. Noong 2020, lumobo na ang kakulangang ito sa 1.7 bilyong litro kada araw at inaasahang lalakí pa ito.4
Ngayong matindi ang init ng panahon, lalong tataas ang pangangailangan sa tubig at lalalâ ang krisis sa tubig. At ito ang ginagamit na dahilan upang pabilisin ang pagtatayo ng Kaliwa Dam. Ito ang sinasabi ng gobyernong tutugon sa suliranin sa tubig sa Metro Manila at mga karatig-probinsya–isang solusyong para sa iba ay isinasantabi ang karapatan at boses ng mga katutubo, at sisira sa likas-yaman sa malaking bahagi ng Sierra Madre.5
Ipinaaalala sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang kalikasan, kasama na ang tubig, ay collective good o biyayang dapat pakinabangan ng lahat. Kaya naman, tungkulin ng bawat isa sa atin at ng mga institusyon, lalo na ng gobyerno, na protektahan at pangalagaan ito.6 Bilang mga katiwala ng Diyos sa Kanyang hardin, responsabilidad nating siguruhing hindi naabuso o naaksaya ang kalikasan at ang “sari-saring nilalang ng Diyos”, ayon nga sa Mga Awit 104:24. Nilikha ng Diyos ang tubig, hindi lamang upang pakinabangan ng tao kundi para magawa rin ng iba pang nilikha, katulad ng mga hayop at halaman, na magbigay puri sa Kanyang kadakilaan at kabutihan.
Kaya naman kailangang gumawa ang pamahalaan at mga kumpanyang nangangasiwa sa ating tubig ng mga hakbang na magtitiyak na ang tubig natin ay nagagamit nang wasto at hindi nasasayang. Patuloy din tayo dapat sa pagtitipid ng tubig sa ating mga tahanan.
Mga Kapanalig, hindi unlimited ang tubig na dumadaloy sa ating mga gripo. Huwag nating hayaang humantong ang pag-aaksaya sa tubig sa pagsasantabi sa mga kapatid nating katutubo, sa pagkasira ng ibang nilikha, o sa pagkawala ng maiinom at magagamit na tubig ng mga susunod na henerasyon.
Sumainyo ang katotohanan.