1,122 total views
Ipinapanalangin ni Surigao Bishop Antonieto Cabajog ang kaligtasan ng bansa mula sa binabantayang Super typhoon na nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility.
Ito ay ang bagyong may international name na Mawar at tatawaging bagyong Betty kapag nakapasok na sa PAR.
Ayon kay Bishop Cabajog, patuloy nawang gabayan ng Panginoong Hesus ang bansa mula sa pinangangambahang bagyo, at iligtas ang bawat isa mula sa anumang pinsalang maidudulot nito sa mga buhay at ari-arian.
“Heavenly Father, before His ascension to heaven, Jesus promised to be with us until the end of age. We are never left orphans because He is Emmanuel, God with us. Threatened by another super-typhoon, we come before you in complete trust that no harm would befall us. May Jesus, who calmed the storm and exhorted His apostles “not to be afraid,” be our strength to see us through. Amen,” panalangin ni Bishop Cabajog mula sa panayam ng Radyo Veritas.
Dalangin din ni Bishop Cabajog na hindi na maulit ang naranasan ng lalawigan ng Surigao del Norte nang manalasa ang Super Typhoon Odette noong Disyembre 2021.
Lubhang napinsala ng Bagyong Odette na may international name na Super Typhoon Rai ang mga isla sa Visayas at Mindanao na nagdulot ng malawakang pagbaha, pagguho ng lupa, at pinsala sa mga tahanan ng nasa 7.8 milyong populasyon sa 11-rehiyon sa bansa.
Batay sa huling ulat ng PAGASA, huling namataan ang mata ng Typhoon Mawar sa layong 2,215 kilometrong Silangan ng Visayas, taglay ang lakas ng hangin na aabot sa 185 kilometro kada oras malapit sa gitna, at pagbugsong aabot sa 230 kilometro kada oras habang mabagal na binabagtas ang direksyong pa-hilagang kanluran.