1,501 total views
Inihayag ng De La Salle University – Dasmariñas ang pakikiisa para sa pagdedeklara ng climate emergency sa bansa.
Ayon kay DLSU-D president, De La Salle Brother Francisco “Sockie” dela Rosa VI, nangangako ang pamantasan na wastong ipapatupad at isasabuhay ang mga programa bilang pakikiisa sa panawagang pigilan ang krisis sa klima tulad ng patuloy na pag-init ng daigdig.
“As a university that truly believes in and practices the protection of our environment, the entire DLSU-D community is committed to taking actions that contribute to the deceleration of global warming and reduce greenhouse gas emissions,” bahagi ng pahayag ni dela Rosa.
Kabilang na rito ang paglikha ng mga hakbang upang maisalin ang mga kasanayan at pagpapahalaga sa kalikasan sa bawat curriculum at pagsusuri ng pamantasan; pagkakaroon ng panuntunan sa wastong paggamit ng enerhiya, tubig, at iba pa; at pagsunod sa anumang batas na nangangalaga sa kalikasan.
Inihayag ni dela Rosa ang pagsasagawa ng mga pagsasanay at pagbabahagi ng kaalaman sa mga mag-aaral, kawani, alumni, at mga magulang ng institusyon; at pagpapatupad ng mga patakaran na titiyak sa pagiging sustainable, eco-friendly, at carbon neutral ng pamantasan.
“Together let us continue to champion the cause of environmental protection and pave the way for a brigther and greener future, not only for Lasallians but for the entire future generations,” saad ni dela Rosa.
Maliban sa DLSU-D, kabilang din ang Miriam College sa mga naninindigan para sa pagdedeklara ng climate emergency sa bansa.
Una nang hinamon ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang mga kinauukulan na pagtuunan ang mga pinsala at krisis sa kapaligiran na nakakaapekto na sa mga pamayanan.