1,125 total views
Pagpapaigting sa diwa ng pagtutulungan ang layunin ng paglagda sa kasunduan sa pagitan ng Caritas Philippines at UNILAB, Inc.
Pinangunahan nina Caritas Philippines executive director Fr. Tony Labiao at UNILAB Assistant Vice President at External Affairs and Social Partnerships Division head Claire Papa ang paglagda sa Memorandum of Understanding bilang katibayan ng ugnayan ng simbahan at pharmaceutical company sa pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.
Ayon kay Fr. Labiao, hindi lamang ugnayan ang pinagtitibay ng kasunduan kundi maging ang kakayahan ng dalawang institusyon na magampanan ang tungkuling paglingkuran ang mga nasa laylayan ng lipunan.
“It’s not just an ordinary friendship or partnership… Ang na-experience ko sa Unilab is we enrich each other in different levels. I think that’s very important in partnership.” pahayag ni Fr. Labiao.
Hiling din ng pari na sa pamamagitan nito ay mas makahikayat pa ng maraming organisasyon na handang makipagtulungan alang-alang sa mga pamayanang hirap na maabot ng iba’t ibang serbisyo lalo na sa kalusugan.
Inihayag naman ni Papa na naging epektibong katuwang ng UNILAB ang humanitarian at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagsasagawa ng mga programa at proyekto lalo na sa mga lugar na hirap maabot ng serbisyong pangkalusugan.
Pagbabahagi ng opisyal ng pharmaceutical company na maliban sa simbahan, patuloy itong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor at institusyon para mas mapalawak at mapabilis ang pagtugon sa pangangailangan ng bawat pamayanan.
“Kailangan po talaga ‘yung tinatawag natin na ‘spirit of bayanihan’–‘yung pagmamalasakit na gusto natin gawin para sa ating bayan. Magagawa po natin ito kung sama-sama mula sa iba’t ibang sektor ‘yung nagtutulungan… We are hoping na itong partnership namin ay maging daan din para mabuksan ‘yung pinto para sa iba pang mga kumpanya, sa iba pang mga grupo na gustong sumama dito sa ginagawang pagtulong ng Caritas Philippines kasama po ang kumpanya na katulad namin.” ayon kay Papa.
Ginanap ang paglagda sa kasunduan nitong Mayo 25, 2023 sa Caritas Philippines Office sa CBCP Compound, Intramuros Manila na sinaksikahan ng mga kawani mula sa dalawang institusyon.
Ito’y kabilang sa inisyatibo ng Alay Kapwa Legacy Stewardship Program ng humanitarian at advocacy arm ng simbahan sa ilalim ng Alay para sa Kalusugan.