259 total views
Inirekomenda ni Msgr. Jerry Bitoon – Vicar General ng Diocese of San Pablo Laguna kay Department of Environment and Natural Resources secretary Gina Lopez na i-abolish na ang Laguna Lake Development Authority o LLDA.
Iginiit ni Msgr.Bitoon na 5-dekada ng pinabayaan at ginawang “milking cow” ng mga opisyal ang Laguna lake.
Inihayag ng pari na hindi tunay na mga environmentalist ang mga nanunungkulan sa LLDA kung saan mas pinapaboran ang mga mayayamang mamumuhan kaysa sa mga maliliit na mangingisda.
“I-abolish na ang LLDA, kasi nagsi-celebrate sila ng 50-years ngayong 2016, pero all these years, limang dekada, ano bang nangyari sa lake?” pahayag ni Msgr. Bitoon sa Radyo Veritas.
Iminungkahi din ni Msgr. Bitoon na kung hindi man i-abolish ay palitan na ang LLDA ng Laguna Lake Conservation Authority.
“Hindi sapat na palitan yung mga tao, ang problema ng LLDA, hindi naman talaga mga environmentalist, walang malasakit, kaya nakikita namin kailangang i-overhaul, palitan na yang LLDA ng ibang authority. The very name itself parang mali, Laguna Lake Development Authority, sana dapat yan ay Laguna Lake Conservation Authority,” dagdag ni Msgr. Bitoon.
Kaugnay nito, nais ni DENR secretary Lopez na personal na kausapin ang mga fish pen at fishcakes operators sa Laguna de Bay bago ipatupad ang moratorium sa renewal ng mga permit to operate sa Enero 2017.
Ito ang kinumpirma ni DENR Under Secretary Arturo Valdez, pinuno ng National Anti-Environmental Crime Task Force na nagsagawa ng demolisyon sa 13-hektarya ng mga iligal na fish pens sa Laguna lake.
Iginiit ni Valdez na mahalagang lubusang magamit ng mga maliliit na mangingisda ang 90,000 hektaryang Laguna de Bay para sa kanilang pangailangan at kabuhayan.
Ang LLDA ay itinatag noong taong 1966 na may layuning pangalagaan at pagyamanin ang 90,000 hektaryang lawa ng Laguna.
Una nang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco sa Laudato Si na kinakailangang ang mamayaning pamamalakad sa bawat bansa ay magbebenepisyo sa nakararami at hindi sa iilan lamang.