581 total views
Kapanalig, isa sa mga mahahalagang aspeto ng kalusugan na hindi nabibigyan ng sapat na atensyon nating mga Filipino ay ang ating health seeking behavior. Ang health seeking behavior ay ating mga ugali o aksyon upang malaman ang estado ng ating kalusugan. Kadalasan, kapanalig, tayo ay nagpapatingin lamang sa mga doktor kung may sakit na nararamdaman. Kung wala naman, business as usual ang ating gawi. Nitong pandemya, nakita nga natin na medyo mababa talaga ang antas natin dito. Maraming mga nakakaranas ng lagnat, ubo, sipon at iba na ayaw na magpa-check up. Marami ang natatakot na ma diagnose na may COVID sila, at simpleng karamdaman lamang naman daw ang nararamdaman nila.
Marami ng pag-aaral ang nagpapakita na kailangan pa nating mag-improve sa aspeto na ito. May isang pag-aaral na nagsasabi na minsan sa mga kapamilya at kaibigan pa tayo mas nagkokonsulta kapag may sakit o sintomas na nararamdaman. May pag-aaral din na nagpapakita na dinedelay pa o binabalewala natin ang ating mga sintomas hanggat hindi pa ito grabe.
Maraming mga dahilan kung bakit mababa ang health-seeking behavior nating mga Filipino. Isa sa mga maaaring salik ay ang tiwala natin sa mga health professionals. Siyempre kapanalig, kapag pumupunta tayo sa mga health centers, dahil madalang naman tayo dun at madalang din naman ang mga house visits sa atin, hindi natin kilala ang mga health service workers. Dahil dito, medyo hindi tayo kampante. Pero kapanalig, kapag mas madalas ang ugnayan natin sa isa’t isa, mas magiging kampante tayo na magpatingin sa kanila.
Isa pang mahalagang dahilan kung bakit madalang tayo magpatingin sa health professionals ay ang takot sa gastos. Nasa mentalidad na natin na pag may check up, parang hold up – bayad sa doktor, sa gamot, sa mga labtest – lahat yan nakakabutas ng bulsa natin kaya marami ang takot. Mas magkasasakit daw sila lalo dahil sa bayad.
Pero kapanalig, ang hindi natin nahaha-highlight pagdating sa kalusugan ay pwede naman na magpa wellness checkup, gaya halimbawa ng pagdadala natin sa ating mga sanggol sa center – kadalasan diba, pamasahe lang ang gastos dito at pagod. Tinitingnan ng doktor ang height and weight ng sanggol, tinitingnan kung maayos ba ang development niya, at binibigyan ng bakuna upang maka-iwas sa mga sakit. Ang wellness check up ay malaking tulong upang preventive ang ating behavior or ugali pagdating sa mga sakit.
Mas madali magpa-wellness check up sa sanggol kasi may mga health workers na nagpapa-alala sa komunidad, may suplay ng bakuna, at may doktor na available sa mga itinakdang araw. Sa maraming lugar sa ating bayan, maganda din ang information dissemination ukol dito. Ngunit pagdating sa mga adults o elderly, para bang kanya-kanya na lang sila. Marami ang hindi alam kung saan maaaring pumunta para sa check up. Kaya nga laging patok ang mga medical missions, dahil dito, parang one-stop shop na mura o libre pa.
Sana mapa-igi pa natin ang health seeking behaviors ng ating mga mamamayan, pareho sa demand side at supply side – o sa mamamayan at sa health facilities at health professionals. Sana ang serbisyong pangkalusugan pati ang communication dissemination tungkol dito ay aktibo at epektibo hindi lang para sa infant care, pero pati na rin sa lahat ng stages ng buhay ng Filipino. Ang pangangalaga sa ating kalusugan ay pangangalaga sa pinakamahalagang biyaya ng Diyos sa atin – kung hindi tayo malusog, mahihirapan tayong gawin ang misyong inatas niya sa atin.
Ang kalusugan ay karapatan ng lahat. Paalala nga ng Pacem in Terris, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Everyone has the right to life, to bodily integrity, and to the means which are suitable for the proper development of life; these are primarily food, clothing, shelter, rest, medical care, and finally the necessary social services.
Sumainyo ang Katotohanan.