1,434 total views
Nagtungo ang grupong Protect Verde Island Passage sa House of Representative upang ipanawagan ang patuloy na suliranin sa nangyaring oil spill sa Mindoro tatlong buwan na ang nakakalipas.
Pinangunahan ni Protect VIP lead convenor, Calapan Social Action Director Fr. Edwin Gariguez ang pagkilos kasama ang mga residente at mangingisdang apektado ng pagtagas ng langis.
Ayon kay Fr. Gariguez, 90-araw na ang nakakalipas ngunit nasasayang lamang ang panahon ng pamahalaan sa pagtukoy sa tunay na may pananagutan sa insidente.
Nangangamba rin ang pari na mas lalong manganib ang mga likas na yaman ng VIP sa kakulangan ng pagtugon ng mga kumpanyang responsible sa sakuna.
“This national disaster has been going on for three long months, but we fear that it is still not being treated as one. While the government dilly-dallies in exacting accountability and justice, the damage to Verde Island Passage’s ecosystem and resulting impacts on stakeholders continue to worsen. Companies responsible for this must be punished.” pahayag ni Fr. Gariguez.
Iginiit ni Fr. Gariguez na dapat managot ang RDC Reield Marines Services (RDC) na may-ari ng barko at ang San Miguel Corporation (SMC) na may-ari naman ng langis dahil sa patuloy na panganib na dulot nito sa kalikasan.
Pebrero 28 ng kasalukuyang taon nang tumaob ang MT Princess Empress na naging sanhi ng patagas ng langis sa karagatan ng Oriental Mindoro.
Matagal nang isinusulong ng simbahan ang Protect VIP campaign upang mapangalagaan ang Verde Island Passage mula sa mga proyekto tulad ng planong pagtatayo ng fossil fuel powerplants at liquified natural gas terminal.
Ang VIP ang tinaguriang “Center of the Center of Marine Shore fish Biodiversity” dahil dito matatagpuan ang nasa halos 60-porsyento ng iba’t ibang marine species sa buong mundo.