2,037 total views
Hinimok ng opisyal ng Church People’s Solidarity ang mamamayan na naglalagak ng salapi sa mga bangkong pag-aari ng pamahalaan na magkaroon ng paninindigan kaugnay sa Maharlika Investent Fund o MIF.
Ang MIF bill ay naunang pinagtibay ng dalawang kapulungan ng Kongreso at inaasahang lalagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo kasabay ng nakatakdang ikalawang State of the Nation Address o SONA.
Ipinaliwanag ni Fr. Roel Gatchalian ng CWS na bukod sa walang pondo ang gobyerno ay umaabot din sa 14 na trilyong piso ang pagkakautang ng bansa.
“Palagay ko yung mga nagdeposito sa mga bangko na ‘yan dapat din silang magkaroon ng ‘say’. Kasi pera ‘yan, hindi natin alam kung sino-sino ang mamahala ng Maharlika fund.” ayon kay Fr. Gatchalian ng CWS sa panayam ng Verita Pilipinas.
Kabilang sa pinagkasunduan ng dalawang kongreso ang paglalaan ng pondo sa M-I-F na magmumula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, at Land Bank of the Philippines.
Bagama’t isa sa konsolasyon sa isasabatas na panukala ang absolute prohibition na hindi kukunin ang pondo sa Social Security System, Pag-Ibig Fund at Government Service Insurance System (GSIS).
“Maaring meron silang magandang intensyon, pero hindi napapanahon at saka hindi naman yan ang priority. Ang paggagamitan pa naman ng Maharlika investment ang infrastructure, mabagal yan and mabagal din ang return of investment.” dagdag pa ng pari.
Iginiit ng pari na hindi napapanahon ang pagkakaroon ng M-I-F lalo’t mas maraming dapat paglaanan ng pondo ang gobyerno tulad ng food security at karagdagang trabaho para sa mga Filipino.
Hindi rin kumbinsido si Fr. Gatchalian sa urgency ng pagsasabatas ng minadaling panukala.