4,025 total views
Nagpasalamat ang Philippine Association of Catholic Exorcists at Archdiocese of Manila Office of Exorcism sa lahat ng suporta at panalangin para kay Dominican Priest Exorcist Fr. Winston Cabading.
Ibinahagi ng grupo na na-reschedule sa August 1 ang pagdinig sa kaso ng pari sa halip na June 1 dahil sa Petition for Review ng Department of Justice bubnsod sa nakitang pagkukulang ng Assistant City Prosecutor ng Quezon City.
Naniniwala ang grupo ng exorcist na ang pagsampa ng kaso kay Fr. Cabading ay isang uri spiritual battle kaya’t hiniling nito sa mamamayan ang maigting na pananalangin upang manaig ang katotohanan.
“We see this act against Fr. Winston [Cabading] as a spiritual battle and an attack on our mother, the Church itself and its hierarchy. We thank you for harkening to the call to be one with us in this battle by offering your prayers and acts of mortification,” bahagi ng pahayag ng grupo.
Matatandaang inireklamo ni dating Commission on Elections chief Harriet Demetriou si Fr. Cabading dahil sa paglabag sa Article 133 of the Revised Penal Code partikular ang Offending Religious Feelings bunsod ng pahayag ng pari sa ‘alleged’ Marian apparition sa Lipa Batangas noong 1948.
Dahil dito inaresto si Fr. Cabading noong May 13 ng gabi sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Branch 81 Judge Madonna Echiverri.
Nauna nang pinabulaanan ni Fr. Cabading ang alegasyon ni Demetriou na kilalang deboto ng Our Lady of Mary Mediatrix of All Grace sa Lipa Batangas at nanindigang ipinahahayag lamang nito ang decree mula sa Congregation for the Doctrine of the Faith na hindi kinilala ang aparisyong nangyari sa Carmelite Convent.
Bunsod ng paglipat sa petsa ng pagdinig pinahintulutan ng korte si Fr. Cabading na bumiyahe s Estados Unidos para dalawin ang mga magulang at babalik ng bansa bago ang Agosto.
Gayunpaman dalangin ng mga exorcist sa bansa ang kaliwanagan ng isip ng mga nang-uusig at mabigyang linaw ang turo ng simbahang katolika.
“Please pray for those who oppose us as well so that in time we may be one as the Father desires,” dagdag ng PACE at AMOE.
Sinabi ni Fr. Cabading na pinatatawad na nito ang mga nagsampa ng reklamo laban sa kanya at hinimok ang mananampalataya na basahin ang mga dokumento ng simbahan hinggil sa alleged Lipa Apparition para sa malinaw na discernment.