2,195 total views
Tiniyak ng komisyong pangkalusugan ng simbahan ang patuloy na pagsuporta sa mga adhikain ng bagong talagang kalihim ng Department of Health.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) executive secretary Fr. Dan Cancino, MI, ang pagtanggap ni Dr. Ted Herbosa sa tungkulin bilang pinuno ng DoH ay patunay lamang ng kanyang dedikasyong mapaglingkuran ang mamamayan.
“The CBCP-ECHC shares a commitment with you to improving the health and well-being of the most vulnerable and marginalized. We will journey beside you and all those working in the attempt to bring health to all, especially the many people, including children, who live on the periphery of society, and who suffer ill health and hunger,” bahagi ng pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit ni Fr. Cancino na ang pagkakaroon nang maayos na kalusugan ay karapatan ng bawat mamamayan, at hindi para sa kapakanan lamang ng iilan.
Umaasa ang opisyal ng CBCP na sa pamumuno ni Herbosa sa DOH ay higit nitong maipadama ang pagmamalasakit sa mga mahihirap sa pamamagitan ng pagsusulong at pagpapaigting ng mga programang pangkalusugan sa mga pamayanan.
Sinabi ng pari na mahalaga ito sapagkat karamihan sa mga pamayanan ang hindi ganap na naaabot o nakakatanggap ng mga serbisyong pangkalusugan.
“Let the health system focus on care for people, rather than simply treatment for specific diseases or conditions—factoring in all aspects of people’s individual lives and situations. As we are improving our health systems, never forget that we need to strengthen community systems (for health) as well,” saad ni Fr. Cancino.
Una nang nagpaabot ng pagbati si CBCP-ECHC vice chairman, Military Bishop Oscar Jaime Florencio sa pagkakahirang kay Herbosa bilang bagong kalihim ng DOH at umaasang matutugunan at mabibigyang-pansin ang mga usaping pangkalusugan na mahalaga para sa kapakanan ng bawat mamamayan.