338 total views
Kapanalig, kapag usaping resilience, lagi nating nauugnay ito sa kabilisang bumangon mula sa anumang sakuna o krisis sa buhay. Kadalasan, mas nakokonekta natin ito sa pera at resources, mga mahahalagang sangkap upang mabawi natin ang nawala sa atin.
Pero kapanalig, nakakaligtaan natin isama ang mental at spiritual health sa usaping resilience. Kaya kadalasan, ang ating pagbawi ay laging bitin, o di kaya, kahit na recover man natin ang nawala sa atin, mabigat pa rin ang puso at isipan natin. Kailangan kapanalig, pagdating sa resilience, ang overall wellbeing din natin ang tinitingnan.
Napakahalaga nito kapanalig, lalo pa’t ang ating bansa ay prone o bulnerable sa iba ibang sakuna – mga paulit ulit na banta sa ating buhay at kabuhayan gaya ng baha, bagyo, tagtuyot at iba pa. Kung ang overall wellbeing ay hindi natin ikokonsidera sa usaping resilience, laging bitin ang ating mga tugon sa mga banta na ito. Kailangan malinaw ang isip at matapang at panatag ang dibdib hindi ba, para epektibo ang ating tugon.
Kaya lang kapanalig, napakahirap maging kalmado sa panahon ng sakuna, lalo na kung di ka kampante sa mga support systems at response systems sa paligid mo. Halimbawa, nasa lugar ka na bulnerable sa baha. At kahit paulit ulit na nangyayari ito, pare-pareho ang tugon ng inyong komunidad, at marami pa rin ang nabibiktima nito. Kanya-kanya pa rin ang mga mamamayan, at kulang pa rin ang gamit at kahandaan ng komunidad. Ang nangyayari, laging takot ang nagiging pakiramdam ng tao, at makalipas ang baha o ang anumang sakuna, matinding kalungkutan at halos mawalan ng pag-asa ang nararamdaman ng masa. Kapag ganyan ang nangyayari, mabagal ang resilience.
Dito, kapanalig, makikita, na ang support system at kahandaan ng komunidad ay malaking salik sa overall wellbeing at resilience ng mamamayan. Dito makikita natin na, ang bayanihan, ang pagtutulungan, ay mahalaga bago pa man dumating ang sakuna. Kapag alam mo na handa ang lahat, at maayos ang support system at response system ng pamayanan, mas kalmado ang lahat. Pag sinamahan pa natin ito ng emotional at spiritual support, pihado, mas madali ang pagbangon ng lahat. Sa ganitong sistema, ang pagkakaisa ng mamamayan, barangay, lokal na gobyerno, pati ng parokya ay napakahalaga. Mahirap gawin, pero ito ay posible, lalo na kung tao ang sentro ng ating serbisyo.
Napakahalaga kapanalig, na magawa ito, lalo pa’t ayon sa mga experts, mas marami pang mga mamamayan sa buong mundo ang matutulak sa kahirapan dahil sa climate change. Sa ating bansa nga, umabot na ng $10 billion ang pinsala na nagawa ng mga sakuna sa bayan nitong nakalipas na dekada. May mensahe si Pope Francis para sa World Food Day noong 2013 na angkop sa usaping ito. Tayo ay isang malaking pamilya, at sa pamilya, kapanalig, natuto tayong mangalaga sa bawat isa, para sa kagalingan nating lahat at para sa ating pagkakaisa. Kapag sinusuportahan natin ang isa’t isa, at pinoprotektahan natin ang isa’t isa, tayo ay nagiging mas makatao at mas makatarungang lipunan.
Sumainyo ang Katotohanan.