567 total views
Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo
Deut 8:2-3.14-16 1 Cor 10:16-17 Jn 6:51-58
Ang isang katangi-tangi sa ating mga Katoliko ay ang ating pagtanggap sa Katawan at Dugo ni Kristo. Ipinagdiriwang natin ito tuwing Banal na Misa. Ang tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Kristo at hinihikayat tayong tanggapin ito. Sa pagtanggap ng Banal na Komunyon hindi lang tayo sumusubo ng ostiya; tinatanggap natin ang katawan ni Kristo. Ang Banal na Ostiya ay hindi sumsagisag kay Kristo. Ito ay si Kristo mismo. Naniniwala tayo rito kasi ito ang sinabi niya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanaman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Hindi ito matanggap ng mga alagad ni Jesus na nakikinig sa kanya noon. Talagang mahirap itong tanggapin. “Paano maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang kanin natin?” Baka mali lang ang pandinig nila? Baka iba naman talaga ang ibig niyang sabihin. Pero hindi! Pinanindigan ito ni Jesus. “Tandaan ninyo: malibang kanin ninyo ang aking laman at inumin ang aking dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay… ang aking laman ay tunay na pagkain… ang sinuman kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin… Ito ang pagkaing bumaba mula sa langit; ang kumakain nito’y mabubuhay magpakailanman.” Napakaliwanag ang salita ni Jesus. Maniwala tayo sa kanyang sinabi.
Ang paniniwala sa tinapay na katawan ni Kristo at sa alak na dugo ni Kristo ay siya rin paniniwala ng mga apostol noong una pa. Kaya nga sinulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto na ating narinig kanina: “Hindi ba’t ang pag-inom natin sa kalis ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikinabang sa dugo ni Kristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinaghahatihati ay pakikinabang naman sa kanyang katawan?” Kaya nga idinugtong pa niya: “Ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kalis ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon.” Talagang katawan ni Kristo ang ating kinakain. Dahil inaalok niya ang kanyang saril na kainin natin, tanggapin natin siya. Dahil sa ang Panginoon mismo ang kinakain natin, maging kapat-dapat tayo. Hindi lang basta-basta ang pagkokomunyon. Huwag natin siyang lapastanganan.
Sa ating unang pagbasa pinaalaala ni Moises sa mga Israelita ang dinaanan nila sa mahabang panahon ng kanilang paglalakbay sa disyerto. Sinabi niya na ang Panginoon ang pumatnubay sa kanila sa kanilang paglalakbay sa malawak at nakatatakot na ilang na puno ng makamandag ng mga ahas at alakdan. Paano sila nag-survive sa apat na pong taon ng paglaklakay na iyon? Pinakain sila ng Diyos ng manna araw-araw, isang pagkain na hindi nila noon kilala pero ibinigay ng Diyos sa kanila. Sinustento sila ng pagkain mula sa langit sa kanilang paglalakbay sa lupa. Kung iyon ay nangyari sa mga Israelita noon, mas lalo na sa atin ngayon. Kahit na ang manna ay galing sa Diyos, lahat ng nakakain noon ay namatay pa rin. Ang manna noon ay anino lang ng tunay na tinapay na ibinigay ni Jesus. Iba ang pagkaing ibinibigay sa atin ngayon. Talagang ito ay hindi lang galing sa langit. Ito ay pagkaing makalangit. Si Jesus mismo na anak ng Diyos ang nakikiisa sa atin, ang pumapasok sa ating katawan sa ating pagkatanggap ng komunyon.
Totoong mapanganib ang ating paglalakbay sa lupa. Nakaparaming problema. Walang araw na walang problema. Napakaraming panganib – panganib sa ating katawan, sa ating kalusugan, sa ating trabaho, sa ating pamilya, sa ating kaluluwa. Nandiyan palagi ang tukso. Sa kagandahang loob ng Diyos binibigyan tayo ng makasusustento sa atin. Uso ngayon ang pag-aalok sa ating ng mga energy food at energy drink. Nagbibigay daw ito ay lakas sa atin. Totoo kaya? Hindi natin alam. Pero ito ay totoo. Si Jesus ay hindi lang nagsusustento sa atin sa lupa. Ito ay pagkain na nagdadala sa atin sa langit. Hindi lang ito nagpapahaba ng buhay. Ito ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Sa ating pagkokumunyo tayong lahat ay nakikinabang sa iisang katawan ni Jesus. Parehong Jesus ang tinatanggap natin. Dahil dito tayo ay nagiging isang kaawan din sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay na kaawan ni Kristo. Kaya pinag-iisa tayo ng Banal ng Komunyon.
Gusto natin ng pagkakaisa, at palaging hamon ang pagkakaisa. Ang Banal na komunyon ay paraan sa pagkakaisa. Pinag-iisa tayo ng iisang katawan ni Kristo. Subukin natin ito sa ating mga pamilya. Maganda na ang mga pamilya ay sama-samang nagsisimba at tumatanggap na banal na komunyon. Kahit na may mga gusot sa mga relasyon sa pamilyo, madali itong maaayos kapag ang lahat ay nagtutulungan na tanggapin si Jesus sa Banal na Komunyon.
Mga kapatid, sa pagtanggap ng Banal na Komunyon si Jesus mismo ang ating tinatanggap. Hindi na lang siya katabi natin. Pumapasok siya sa ating katawan. Sa pagtanggap ng Banal na Komunyon pinag-iisa tayo ng katawan ni Kristo. Si Jesus ang nagiging dahilan ng ating pagkakaisa. Kaya pahalahagan natin ang madalas at ang linggohang pagkokomunyon. Papasukin natin si Jesus sa ating labi; papasukin natin siya sa ating katawan. Pero huwag sana nating kalimutan na si Jesus ang ating tinatanggap. Kaya ihanda natin ang ating sarili. Pagsisihan ang ating kasalanan. Kasalanan lamang ang hadlang sa pagdating si Jesus. Kung may mabigat na kasalanan, ikumpisal ito upang matanggap si Jesus ng karapat-dapat
Nababasa natin sa huling aklat ng Bibliya, ang Aklat ng Pahayag. Sinabi ni Jesus: “Nakatayo ako at kumakatok. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako sa kanyang tahanan at kakain kaming magkasalo.” Nasa pintuan siya ng ating labi, nag-aantay, kumakatok. Papasukin natin siya. Tanggapin natin ang katawan ni Kristo sa ating katawan.