465 total views
Ang Pilipinas ay itinuturing na isa sa mga delikadong lugar pagdating sa pagtatanggol sa kalikasan. Ayon nga sa report na Decade of Defiance: Ten years of reporting land and environmental activism worldwide, 221 ang mga napatay na land and environmental defenders noong 2021 sa buong mundo. 19 dito, kapanalig, ay sa Pilipinas.
Bakit, kapanalig, kailangan may namamatay para lamang ipagtanggol ang ating kalikasan?
Ang ating bayan, kapanalig, ay mayaman sa mga natural resources, mga likas yaman na pinag-aagawan ng iba ibang grupo para sa kabuhayan at negosyo. Sa proseso ng pagkuha ng mga likas yaman na ito, ang sustainability ng mga kalikasan, ng mga pamayanang nakapaligid dito, ay nalalagay sa peligro. Para sa mga mamamayang lumalaban upang mapangalagaan ang kalikasan at mga pamayanang umaasa dito, maaaring buhay din nila ang malagay sa peligro.
Isang halimbawa, kapanalig ay ang issue ng illegal logging sa ating bayan. Hanggang ngayon, talamak pa rin ang praktis na ito kahit pa paulit ulit na lamang ang paalala sa lipunan ng kahalagahan ng puno sa ating buhay. Noong nakaraang taon, milyong milyong halaga ng mga illegally cut timber ang nakumpiska ng pamahalaan. Maswerte pa tayo kapanalig, at may nahuhuli. Pero paano naman ang mga di nahuhuli? Patuloy na lang ba nila uubusin ang mga puno sa ating kagubatan?
Sa ngayon, isa sa mga naging malaking biktima ng illegal logging at deforestation ay ang Sierra Madre, ang gulugod ng Luzon, na siyang nagtatanggol sa atin sa mga malalakas na bagyo at hangin. Dahil sa pagputol ng mga puno dito, may pag-aaral na nagsasabi na 90% na lamang ang natitirang forest cover nito. Hindi kayang habulin ng reforestation program ng bayan ang mabilis na pagkawala ng mga puno sa Sierra Madre. At sa gitna ng kawalan na ito, may mga armed invasion pa na nagaganap sa bahagi nito.
Isa lamang ito, kapanalig, sa halimbawa ng kahirapan sa pagtatanggol ng ating kalikasan. Paano ba natin matitiyak na ang ating mga likas yaman ay magiging sustainable para sa kapakinabangan ng lahat kung buhay naman ang kapalit sa pagtatanggol nito?
Kapanalig, tayo ang inatasang stewards of creation ng ating Panginoon. Tayo ay may pananagutan sa kalikasan. Sana, lahat tayo, ay tanggapin at angkinin ang pananagutan na ito, upang ating masakatuparan ang tagubilin mula sa Gaudium et Spes: Ibinigay ng Diyos ang kalikasan para sa lahat, upang pantay pantay nating pagsaluhan ang biyayang ito, gabay ng katarungan at pagmamahal.
Sumainyo ang Katotohanan.