401 total views
Homiliya Para sa Linggo ng Corpus Christi, ika-11 ng Hunyo 2023, Jn 6:51-58
Minsan, umattend ako ng house blessing. Humingi ng permission ang pamilya sa bishop na magmisa sa bahay para makasimba ang mga kapamilya nilang maysakit at bedridden. Ang parish priest ang nagmisa, sa reception ako inimbita. E dahil napaaga nang kaunti ang dating ko, inabot ko pa ang Misa sa bahagi ng “Ama Namin”.
Ang pinagdausan ng Misa ay ang sala ng bahay, pero langhap na langhap na ang mga bagong lutong putahe na sinisimulan nang i-serve sa mesa. Ipinwesto pa naman ang altar sa direksyon na malapit sa buffet table. Nakatutok ang pari sa Misa pero nakaharap ang mga tao sa Mesa. Habang nagkokomunyon, natatanaw ng mga tao ang masasarap na pagkain. Nakakagutom.
Pagkatapos ng post-communion prayer nag-anointing of the sick pa ang pari kaya medyo na-delay pa nang konti. Pagkatapos niyang magbigay ng final blessing, ang sabi ng pari: “Tapos na ang Misa, tayo na sa mesa!” Ay ang lakas ng sagot ng mga nagsimba: “SALAMAT SA DIYOS!”; may kasama pang palakpakan.
Sa araw na ito ng pyestang Corpus Christi, pagnilayan natin ang kaugnayan ng Misa sa Mesa. Sa sulat ni San Pablo sa chapter 11 ng 1 Corinthians, ang tawag sa Misa ay “Paggunita sa Huling Hapunan.” Nakapaloob pa pala ito noong una sa regular na hapunan o kainan. Sa verses 20-21, malalaman natin kung paano ito nahiwalay. Sabi ni San Pablo, “Kapag nagtitipon kayo upang ipagdiwang ang Banal na Hapunan, hindi tama ang ginagawa ninyo, dahil kapag oras na ng kainan hindi kayo naghihintayan, kaya ang ibaʼy busog at lasing na, at ang iba namaʼy gutom.”
Sabi pa niya sa v. 22, “Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Sa ginagawa ninyoʼy nilalait ninyo ang pagtitipon ng Dios at hinihiya ang mga mahihirap. Hindi kapuri-puri ang ganyan.” Ayun, mula noon nahiwalay na ang paggunita ng huling hapunan sa regular na hapunan.
Pero totoo namang ang buong Misa ay pagsasalo sa Mesa, di ba? Kaya nga sa loob ng mga simbahan natin, ang center of attraction ay ang altar at ambo, na tinatawag ni Pope Benedict na dalawang mesa ng Misa: ang Mesa ng Salita ng Diyos at ang Mesa ng Eukaristiya. Ang Liturgy of the Eucharist ay kasunod ng Liturgy of the Word—parang bang extension ng pagsasalo sa unang mesa—mula sa pagsasalo sa Salita ng Diyos, tungo sa pagsasalo sa Salitang ito na nagkatawang-tao kay HesuKristo, ang Anak ng Diyos na nag-alay ng sarili bilang pagkaing pantubos. Kapag tinatanggap natin siya, tayo at siya ay nagiging iisa. Nagiging kabahagi tayo ng “Katawan ni Kristo”—ang samahan ng mga alagad, at sa atin nagpapatuloy ang pagkakatawang-tao ng Diyos.
Tutukan muna natin ang MESA NG SALITA. Sa ating unang pagbasa, ito raw ang dahilan kung bakit ang ibinigay na pagkain ng Diyos sa Israel nang tawirin nila ang disyerto ay MANNA. Parang “survival food”, kumbaga, pantawid gutom. Kakainin mo kahit hindi masarap para lang malamnan ang tiyan. Kaya pala tinawag na “bread of affliction” o “tinapay ng pagdurusa” ang manna at may mga panahon na ayaw na nila itong kainin dahil namimiss na nila ang dating kinakain nila sa Ehipto.
Sa verse 3 ng binasa natin sa chapter 8 ng Book of Deuteronomy, sabi ni Moises, “Tinuruan kayong magtiis ng gutom at pagkatapos, binigyan niya kayo ng ‘manna’ – isang klase ng pagkain na hindi pa ninyo natitikman, maging ng inyong mga ninuno mula pa noong una. Ginawa ito ng Panginoon para ituro sa inyo na hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Panginoon.”
Ito ang background ng daily bread o “pagkaing pang-araw-araw” na hinihingi natin kapag dinarasal natin ang Ama Namin. Ang tinutukoy pala ay SALITA NG DIYOS bilang pantawid natin sa disyerto ng buhay dito sa mundo. At ito naman ang punto ng ating Gospel reading—ang naging batayan ng turo ng simbahang Katolika tungkol sa pangalawang Mesa: Mesa ng Eukaristiya.
Ang tinutukoy na “tinapay ng buhay” ay ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao kay Hesukristo. Siya ang ipinagkaloob sa daigdig bilang mannang pantawid, ang Salitang alok ng Diyos bilang “pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan”. Siya ang Tinapay ng buhay na bumaba, na higit pa daw sa mannang tinanggap ng Israel sa disyerto. Naitawid nga sila patungong Lupang Pangako, pero nangamatay pa rin sila. Ang tinutukoy na tinapay mula sa langit ay ang magtatawid sa atin patungo sa paghahari ng Diyos, sa buhay na walang hanggan.
Sa pamamagitan ng pagkakaloob niya ng sariling laman at dugo bilang kordero ng Paskwa, ang pagkaing pantawid, ibig niya na siya at tayo ay magkaisa. Kaya ang tawag natin sa pagtanggap natin sa Eukaristiya ay COMMUNION, pakikipagkaisang-puso at diwa kay Kristo. Upang maganap ito, siya ang naging kordero ng Diyos na nagsilbing pantubos sa kasalanan ng mundo.
Siya ang pumalit sa korderong kinatay at pinagsaluhan ng bayang Israel nang gabing iyon ng unang Paskwa, nang dumaan ang anghel ng kamatayan at naligtas ang mga Israelita dahil sa dugo ng kordero na ipinahud sa mga pintuan. Iyun ang naging hudyat ng kanilang pagtakas sa Ehipto at pagtawid sa mga balakid at agwat tulad ng dagat na pula at sa disyerto.
Sa bagong Paskwa ng Kordero ng Diyos ang pinaka-agwat o balakid na kailangang tawirin ng lahat ng tao ay ang kasalanan at kamatayan. At ang destinasyon na lupang pangako ay ang Kaharian ng Diyos. Ang pantawid ay walang iba kundi si Kristo mismo, ang buhay niya, ang katawan at dugo niya. Siya ang paring taga-alay, siya rin ang korderong iniaalay. Ang sinumang nakikipagkaisa sa kanyang ay dapat ring matutong makipagkaisa sa kapwa alagad—sa pag-aalay ng sarili, laman at dugo.
Sa pagtanggap natin kay Kristo, siya at tayo ay nagiging iisa. Sabi nga ni San Pablo sa ating 2nd reading: “Ang kalis ng pagpapala na atin ipinagpapasalamat, hindi ba ito pakikilahok sa dugo ni Kristo? At ang tinapay na ating pinagsasaluhan, hindi ba ito pakikilahok sa katawan ni Kristo?” Tayo ay nagiging bahagi ng buhay na katawan ni Kristo na nagpapatuloy sa kanyang gawain pagtubos sa mundo, pantawid ng sangkatauhan tungo sa buhay na walang-hanggan.