1,202 total views
Mga Kapanalig, tatlong salita ang bumubuo sa tema ng ika-125 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas: Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.
Isa-isahin natin ang mga ito.
Unahin natin ang kalayaan. Mahigit isang siglo na nang ang Pilipinas ay lumaya mula sa tatlong daan taóng pananakop ng mga Kastila. Bagamat ilang mananakop din ang kumontrol sa ating bayan matapos niyon, ang kasarinlan mula sa mga Kastila ang kinikilala nating kasukdulan ng napakaraming kilos ng pagkamakabayan at nasyonalismo. Mula sa ating mga itinuturing na bayaning sina Jose Rizal at Andres Bonifacio hanggang sa mga hindi mapangalanang nag-alay ng kanilang lakas, talino, at maging buhay, iyon ang yugtong nagising ang ating diwa bilang isang bayan.
Malayo na ang ating narating mula noon, ngunit sa lagay ng ating bayan ngayon, mistula pa rin tayong nakakulong sa mga hawlang kapwa rin natin ang nagtayo. Nariyan ang hawla ng kahirapan—isang hawlang ayaw buksan ng mga ganid at sakim sa kayamanan, ng mga nang-aagaw ng lupa, ng mga ayaw magpasuweldo nang tama. Nariyan din ang hawla ng kamangmangan—isang hawlang pilit isinasara ng mga pulitikong ayaw maging matalino ang mga botante at hinahayaang umasa sila sa kanila. Ito ang mga hawlang hadlang sa totoong demokrasyang tanda ng tunay na kalayaan.
Ito ang kalagayan ng ating bayang inihahanda para sa tinutukoy ng pangalawang salita sa tema ng pagdiriwang natin ngayon ng Araw ng Kalayaan: kinabukasan. Sino ang bumubuo ng kinabukasang ito? Sila ang ating kabataang tinawag ni Gat Jose Rizal na pag-asa ng ating bayan. Sila ang inaasahan nating magpapatuloy—kung hindi man magpapabuti—sa tinatamasa natin sa kasalukuyan.
Ngunit ano na nga ba ang lagay ng ating kabataan ngayon? Katulad nating mga nakatatanda, naghahangad din sila ng matatag, maginhawa, at matiwasay na buhay. Sa ngayon, marami sa kanila ang nag-aaral o nagsisimula nang magtrabaho. Gayunman, ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa ay tila ba bumababa, kung pagbabatayan natin ang performance ng mga mag-aaral. Ang mga trabahong maaari nilang pasukan ay hindi lahat nakapagbibigay ng maayos na sahod o maging ng kahulugan sa kanilang buhay. Ayon pa sa survey ng Youth Leadership for Democracy (o YouthLed), bagamat mas marami sa ating kabataan ang nais manatili rito sa Pilipinas upang magtrabaho, nasa 20% ang nasabing bukás silang mangibang-bansa.
Upang maiwasan nila ang ating mga pagkakamali bilang isang bayan, matuto sana ang kabataang Pilipino sa mga aral ng ating kasaysayan—ang ikatlong salita sa tema ng pagdiriwang natin ngayon ng Araw ng Kalayaan.
Ngunit may mga banta ngayon sa pagpapanatiling buháy ng kasaysayan sa ating mga diwa. Maliban sa paglaganap sa social media ng fake news at pagbabaluktot sa kasaysayan natin—lalo na ang tungkol sa mga pang-aabuso sa ilalim ng diktaduryang Marcos—ang pag-aaral ng kasaysayan ng ating mga mag-aaral ay hindi na nabibigyang-pansin. Minsan na nating tinalakay sa isang editoryal ang planong pagbabago ng Department of Education sa curriculum sa mga paaralan na magpapalabnaw sa kasaysayan bilang isang subject. Lantad na nga ang ating kabataan sa mga kasinungalingan tungkol sa ating nakaraan, hindi pa sila nabibigyan ng pagkakataong maging kritikal sa pagbabaliktanaw sa ating pinanggalingan at pinagdaanan.
Mga Kapanalig, ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay isang paraan ng paggising sa ating pag-ibig sa ating bayan. Mabuti sa pananaw ng ating Simbahan ang pag-ibig sa bayan. Sang-ayon ito sa prinsipyong tinatawag nating solidarity o pakikipagkaisa kung saan nalilinang ng bawat miyembro ng lipunan ang higit na kamalayang sila ay nakikinabang sa lipunang kinabibilangan nila, sa kalayaang ipinamana sa atin ng ating mga bayani. San lang, ang kalayaang ito, wika nga sa 1 Pedro 2:16, ay hindi natin “gamitin bilang panakip sa masasamang hangarin.”
Sumainyo ang katotohanan.