2,380 total views
Matagumpay na maiparating sa International Labor Organization (ILO) at bumubuo ng international labor community ang ipinananawagang katarungang panlipunan ng mga manggagawa sa Pilipinas.
Ito ang panalangin ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (EILER) sa pagdalo nila Kilusang Mayo Uno Chairperson Elmer Labog at Federation of Free Workers President Atty.Sonny Matula sa idinadaos na International Labor Conference (ILC) sa Geneva, Switzerland.
Umaasa si Irma Mepico – Board of Trustees ng EILER, na sa pamamagitan ng mga nangungunang lider ng labor groups ay mapalakas at mabigyan pansin ng international community lalo na ng pamahalaan ng Pilipinas ang pangangailangan ng mga manggagawa.
“Nilikha mo ang tao na mamuhay na may dignidad ngunit sa maraming pagkakataon ay sinira ito ng mga gahaman at sa pakikipagsabwatan sa mga nasa kapangyariha ng pamahalaan at pandarahas ng mga armadong pwersa nito, sa ngalan ng tubo at kita, hindi po kinikilala ang karapatan ng mga manggagawa para sa pag-uunyon habang talamak ang tanggalan ngayon ng mga manggagawa sa iba’t-ibang pabrika at paggawaan, silang mga nagpapagal, silang tagapaglikha ng yaman.” ayon sa panalangin na ipinadala ni Mepico sa Radio Veritas.
Panalangin pa ni Mepico ang patuloy ng paggabay ng Diyos sa mga nagsusulong ng kapakanan ng mga manggagawa higit na para sa mga labor union leader.
“Salamat sa patuloy Mo na paggabay at pagpapala sa mga adbokasiya, kampanya at panawagan ng mga manggagawa para sa makatarungan at nakabubuhay na trabaho at sahod dito sa aming sariling bayan, Diyos na mapagkalinga, ito ay mapagkumbaba naming dinudulog sa ngalan ng Diyos na Tagapaglikha, Kristong Tagapagpalaya at ang Diwang Gabay, Amen.” ayon pa sa panalangin ni Mepico.
Nagsimula ang ILC noong ika-12 hanggang ika-16 ng Hunyo 2023.
Sa ILC din nabubuo ang international labor standards na kadalasang sinusunod ng mga labor managers ng mga bansa upang maging batayan ng kanilang mga labor laws at policies.
Unang hiniyag ni Father Noel Gatchalian – Chairman ng Church People Workers Solidarity National Capital Region ang suporta at tiwala kay Labog at Matula bilang kinatawan ng labor sector sa bansa.