4,985 total views
Itaas ang kalagayan at sahod ng mga nurse sa Pilipinas.
Ito ang patuloy na panawagan ng grupo ng mga nurse sa bansa kaugnay na rin sa laki ng kakulangan ng mga nurse sa medical institution sa bansa, pampubliko man o pribado.
Ayon kay Maristela Abenojar-vice president ng Filipino Nurses United (FNU) ang kakulangan ay hindi lamang sa kakaunting nurses sa bansa, kundi kabilang na ang pangingibang bayan ng mga nurse at ‘yaong nagtatrabaho sa ibang larangan tulad ng business processing operations (BPO) o call centers.
“Kung seryoso po ang pamahalaan na priority nila ang kalusugan ng sambayanan at tututukan nila ang kalagayan ngayon sa Health care industry ang agaran pong dapat nila itaas ay ang uh kalagayang pang ekonomiya ng ating mga manggagawang pang kalusugan gaya po ng nurses.” ayon kay Abenojar sa panayam ng programang Veritas Pilipinas.
Sa tala, may 114 na libo ang nurse na kailangan sa Pilipinas, kung saan ngayong taon ay may 10-libo ang nakapasa sa pagsusulit.
“Ito po ay sa medical na term ang tawag po naming ay chronic understaffing ibig sabihin po matagal na po tayong kulang sa mga nurses sa mga pagamutan at ‘yon ang dapat suriin ng ating pamahalaan. Uh tingnan ‘yong ugat bakit may ano may kakulangan, ito’y dahil sa uh hindi po kaaya-aya ang pasahod na ibinibigay o ino-offer natin dito sa ating bansa.” dagdag pa ni Abenojar.
Ang Pilipinas ay may higit sa 900-libong nurses subalit kalahati lamang sa bilang ang practicing nurses kung saan ang 300-libo ay nasa ibayong dagat nagtatrabaho.
Sa pag-aaral ng grupo, higit sa 100-libo mga nurse ang tumatanggap lamang ng P537 na suweldo kada araw sa Metro Manila.
Hiling ng FNU ang pagsusulong ng P50,000 na buwanang sahod sa mga nurse maging pribado o pampubliko dahil na rin sa mataas na cost of living, pagtaas ng inflation rate na dahilan din ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.