1,455 total views
Ipinag-utos ni Legazpi Bishop Joel Baylon sa diyosesis na ipamahagi ang “Tinagba offerings” o unang ani sa mga pamilyang apektado ng pagliligalig ng Bulkang Mayon.
Sa situation report sa Radio Veritas, sinabi ni Fr. Eric Martillano, executive director ng Legazpi Diocesan Social Action Center na hinikayat ni Bishop Baylon ang mga parokya na ipadala na lamang sa mga evacuation center ang Tinagba offering na nakolekta sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng Panginoon noong Linggo.
“Bishop Joel Z. Baylon advised the Pastors in 49 Parishes of the Diocese of Legazpi to contribute the June 11, 2023 Tinagba (“first harvest”) offerings to the evacuation centers as replacement supposedly to be remitted to the seminaries.” ayon kay Fr. Martillano.
Samantala, suliranin pa rin ang pagtugon sa Water, Sanitation and Hygiene (WASH) sa mga evacuation center.
Batay sa pagtataya ng SAC-Legazpi at Parish Commission on Social Concerns (PCSC) kailangan pa rin ang non-food items tulad ng sleeping mats, cooking utensils, hygiene kits, at water jugs.
Gayundin ang tubig na kailangan ng mga nagsilikas bilang inumin, at magagamit sa paliligo, paghuhugas, at paglalaba.
Panawagan din ang karagdagang palikuran na hindi na sumasapat sa bilang ng evacuees.
“For Sanitation and Hygiene, the evacuated families use the existing facilities of the school but still lacks latrines/bathing cubicles with insufficent water supply and therefore needs additional toilet facilities or portalets.” ayon sa ulat.
Sa huling ulat ng Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, higit 4,000 pamilya o 15-libong indibidwal mula sa 23 barangay ang kasalukuyang nasa 24 evacuation centers.
Patuloy naman ang pagtanggap ng tulong at donasyon ng SAC-Legazpi, gayundin ang panawagan ng panalangin para sa kaligtasan ng lahat mula sa panganib ng pagsabog ng Bulkang Mayon.