403 total views
Kapanalig, tatlong bulkan sa ating bansa ngayon ang nag-aalburoto. Ang Bulkang Kanlaon, Mayon, at Taal ay nasa iba ibang alert levels ngayon. Ang pangyayaring ito ay isa lamang sa mga patunay na ang ating bansa ay bulnerable sa mga disasters mula sa mga natural na kalamidad.
Sa katunayan, nitong nakaraang taon, number 1 ang ating bansa sa World Risk index 2022 bilang most disaster prone country sa buong mundo. Kasama natin sa top ten ang India, Indonesia, Colombia, Mexico, Myanmar, Mozambique, China, Bangladesh, at Pakistan.
Kapanalig, maraming dahilan kung bakit bulnerable ang ating bayan sa iba’t ibang sakuna. Maliban sa mga pagputok ng bulkan, mga benteng bagyo ang dumadaan sa ating bayan kada taon, at bawat isa dito ay maaaring magdala hindi lamang ng malakas na hangin kundi malakas na ulan, baha, pati pagguho ng lupa. At dahil tayo din ay nasa ring of fire, madalas din ang lindol pati pagsabog ng bulkan. At sa harap ng mga bantang ito, marami pa sa ating bayan ang naghihirap, na siya pang nagpapalala ng mga epekto ng mga sakunang mula sa mga natural hazards.
Ano ba ang maaaring gawin ng pamahalaan upang mabawasan man lang ang pagiging bulnerable ng ating bansa laban sa mga sakuna?
Kapanalig, nakikita natin ngayon ang hirap na dinaranas ng ating mga kababayan kapag kailangan nila mag evacuate – gaya ng sitwasyon ngayon ng mga evacuees mula sa paanan ng Bulkang Mayon. Kahit pa may matatakbuhan sila sa lokal na gobyerno, hirap pa rin ang mga mamamayan sa mga evacuation sites. Karaniwang sa mga paaralan ang takbuhan ng mga bakwit – kung saan sila ay siksikan sa init, nag-aagawan sa tubig at iba pang pasilidad, at umaasa lamang sa mga relief goods at donasyon para sa pagkain habang naghihintay na makabalik sa kanilang mga tahanan.
Ganyan ang siklo sa buhay ng mga bakwit kada kailangan nilang tumakbo mula sa banta ng sakuna. Ang masaklap, tumatakas sila sa isang sakuna tungo naman sa mga panibagong problema na kailangan nilang pagdaanan habang naghihintay na kumalma ang pagputok ng bulkan, o di kaya hagupit ng bagyo at baha. Baka dapat ito ang isa sa mga dapat tutukan ng bayan upang mabawasan ang vulnerability ng marami sa mga sakuna?
Kapanalig, ang ganitong siklo ng bulnerabilidad ay kailangan na nating agarang tugunan. Sa dinadami dami ng sakuna sa bayan, ganito lagi ang sitwasyon ng mga mamamayan, at sa bawat pagtakas sa kalamidad, sa halip na makabawi agad, haharap pa rin sila sa mga panibagong problema. Kawawa dito, kapanalig, lalo na ang mga sanggol, bata, at mga ina. Hindi ito makatarungan. Hindi ito pagmamahal. Sabi nga sa Centesimus Annus: Love for others, and especially for the poor, is made concrete by promoting justice.. Kapanalig, sa gitna ng karangyaan ng buhay ng ating mga pinuno at pulitiko, sa gitna ng kaligtasan ng mga kababayan nating maykaya ngunit bulag naman sa pighati ng iba, nakakalungkot na marami tayong kababayan na walang maayos na mapuntahan kada sinasalakay ng sakuna.
Sumainyo ang Katotohanan.