466 total views
Isa sa matitinding suliranin ng maraming mga bansa ngayon ay ang isyu ng katiyakan sa pagkain o food security. Sa buong mundo, maraming bansa ang humahanap ng paraan upang ito ay maresolba, dahil kung hindi, maaari itong magdulot ng gutom sa maraming mamamayan sa mga mga mahihirap na bansa. Maski ang Pilipinas ay maaaring maapektuhan nito.
Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank, isa sa mga dahilan ng food insecurity ay ang domestic food price inflation. Mataas pa rin kasi ang antas nito sa buong mundo. Ayon sa mga datos nito noong January 2023 at April 2023, mataas pa sa 5% ang inflation sa karamihan sa mga low at middle income countries samantalang sa mga upper middle income countries, umaabot pa ng double digits ang antas ng inflation. Ang mga bansang pinaka-naapektuhan ng mataas na inflation ay nasa Africa, North America, Latin America, South Asia, Europe, at Central Asia.
Dito sa ating bansa, batay sa pagsusuri ng World Food Programme (WFP), isa sa sampung pamilya sa ating bansa ay food insecure. Tatlong rehiyon sa ating bansa ang maituturing na pinaka food insecure sa bansa – ito ay ang BARMM, Region VIII, and XII, na tatlo sa pinakamahirap na rehiyon sa ating bayan. Ang BARMM, kapanalig, umaabot pa ng 30% ang antas ng food insecurity.
Para matugunan ang isyu ng kawalan ng katiyakan sa pagkain, maraming pamilyang Filipino apektado nito ay gumagawa ng kanya-kanyang diskarte. Marami sa kanila, utang ang unang panangga laban dito. Manghihiram sila sa mga kapamilya, kaibigan, at kakilala para may pambili ng pagkain. Marami ring mga pamilya, tinitipid ang pagkain para lamang magkaroon ng laman ang tiyan. Halimbawa, sinaing lang ay sumasapat na para sa kanila, sabayan na lang ng konting toyo o asin, para magkalasa. Sa mahal kasi ng bilihin at sa dami ng kailangang bayarin, nagkakasya na lamang sila dito.
Kapanalig, kailangan matugunan na ang isyu ng food security sa lalong madaling panahon. Ang gutom, kapanalig, ay malaki ang epekto sa buhay ng tao, pati na rin sa kinabukasan ng pamilya, komunidad, at bayan. Kailangan natin lagi maalala na ang walang katiyakan sa pagkain at ang kalusugan ng bayan ay magkatuwang. At kapag kalusugan ang usapan, hindi lamang dapat laman -tyan ang kayang ibigay ng lipunan sa mga naghihirap nitong mga pamilya. Kailangan maitaas din natin ang nutritional value ng pagkain.
Kapanalig, hindi lamang lip service ang ating tugon sa isyu ng katiyakan sa pagkain. Kailangan natin ng aksyon, gaya ng pagprayoridad sa mga mahihirap na rehiyon sa bansa kung saan mataas ang antas ng gutom, kahirapan, at kawalan ng trabaho. Ang pag-prayoridad sa mga pinakamahirap ay dapat natural sa atin dahil tayo ay mga katuwang ng Diyos sa pagpapalaganap ng pagmamahal sa ating mundo. Bilang Katoliko, tayo ay tinatawag na magmamahal ng ating kapwa, lalo na silang pinakamahina sa ating lipunan. Ayon nga sa Justicia in Mundo, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, tayo ay tinatawag na ibahagi ang presenysa ng Diyos at Simbahan sa pamamagitan ng pagmamahal sa maralita, api, at nanaghoy.
Sumainyo ang Katotohanan.