588 total views
Napaka-exciting kapanalig, ang paglago ng digital technology sa ating bansa. Ang daming benepisyo ang nadala nito sa ating bayan, na ramdam na ramdam ng marami din nating mga kababayan.
Ang digital technology ay nagbukas ng maraming oportunidad sa mga mag-aaral at manggagawa ng ating bansa. Dahil sa internet, tuloy tuloy ang online education sa maraming paaralan, at kahit na face to face na ang mga klase ngayon, naging mabisang back-up ang online classes. Kapag may araw na biglang kanselado ang physical classes, nakaka-pagpatuloy ang maraming paaralan sa online classes.
Pagdating naman sa trabaho, marami ang nabiyayaan ng pagkakataon dahil na rin sa digital technology. Marami na ang tumatangkilik sa mga digital career options para sa full time work o kahit sideline. Tinatayang mahigit kumulang na dalawang milyong Filipino ang online workers ngayon. Mga 18.9% din ng mga freelance digital workers sa buong mundo ay mga Filipino.
Pihadong dadami pa ang bilang na ito kapanalig, lalo pa’t inaasahang lalaki pa ang internet economy sa bansa. Noong 2020, ang halaga nito ay nasa $7.5 billion lamang, pero pagdating ng 2028, ang Philippine internet economy ay lalago pa at aabot ng $28 billion.
Upang masustain natin ang paglago na ito at matulungan pa natin ang mas maraming mga Filipino, maraming kailangang gawin ang gobyerno at lipunan. Isa sa mga pangunahing dapat natin gawin ay tiyakin na ang digital framework ng bayan ay matibay at matatag, at malayo ang naaabot. Kailangan mas marami pa ang ating mayakag na mamumuhunan sa ating digital infrastructure para hindi lamang iilan ang ating pagpipilian ng internet services. Kung may kumpetisyon din dito, makakapili tayo ng mas dekalidad ang serbisyo.
Kailangan din natin na maihanda ang mas maraming mga mamamayan para sa mga online jobs. Kailangang ma-integrate ng maayos ang training para sa digital skills sa ating batayang edukasyon, sana nga kahit mula elementarya pa lamang. Kung ganito ang ating gagawin, magiging parang second nature na sa mga bata ang teknolohiya bilang isang tool for development, hindi lamang para sa online games, hindi ba?
Magagamit natin ang teknolohiya upang mailigtas ang bayan mula sa kahirapan, kung atin lamang itong pag-aaralan, pagyamanin, at aalagaan. Sabi sa Evangelii Gaudium, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: It is vital that government leaders and financial leaders take heed and broaden their horizons, working to ensure that all citizens have dignified work. Ang matatag na digital economy ay isang paraan upang ating maisakatuparan ito. Kapanalig, namamayagpag na ang bansa natin sa ating makabagong digital world. Kailangan lamang natin itong ma-maximize ng mabuti para sa kapakanan ng ating bayan at ng susunod na henerasyon.
Sumainyo ang Katotohanan.