1,819 total views
Binigyang-diin ng Department of the Interior and Local Government ang mahalagang tungkulin ng simbahan at sambayanan tungo sa pag-unlad.
Ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos, higit na kinakailangan ang pangkabuuang pagtugon ng bansa kabilang ang simbahan at sambayanan upang harapin ang mga pagsubok tungo sa kaunlaran.
Inihayag ito ni Abalos kasabay ng Samar Island Partnership for Peace and Development (SIPPAD) Assembly sa Borongan, Eastern Samar.
“We need the help of everyone. Let’s harness the support of all sectors, the church, mananalo tayo hindi lang sa droga. The solution is always grassroots, it’s a whole of a country approach, lahat tayo may papel dito.” ayon kay Abalos.
Sinabi ng kalihim na mahalagang lumikha ng matatag na ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at iba’t ibang sektor ng lipunan para sa pagpapabuti ng pamamahala sa mga pamayanan.
Ito’y upang matugunan ang matagal nang suliranin tulad ng terorismo, pag-unlad, at pagiging mahina sa mga sakuna at kalamidad.
Iginiit din ni Abalos ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga likas na yaman na mayroong malaking epekto sa pagpapa-unlad ng sektor ng turismo.
“Walang turista ang pupunta kung magulo ang lugar. Hindi kayang ipreserve ang environment kung magulo ang lugar. This is why community attitude towards the environment is very important.” giit ni Abalos.
Una nang tiniyak ni Caritas Philippine President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na pinaiigting ng simbahan ang mga programang magpapalaya sa mga Pilipino sa kahirapan, kawalang katarungan at iba pang hamong nagpapahirap sa mamamayan sa pamamagitan ng 7 Alay Kapwa Legacy Stewardship Programs kabilang na ang Alay para sa Katarungan at Pangkapayapaan, Alay para sa Kalikasan, at Alay para sa Katugunan sa Kalamidad.