3,076 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Cebu Quincentennial Hotel ang patuloy na pagiging katuwang ng simbahan sa pagpapalaganap ng kristiyanismo.
Ito ang mensahe ni DUROS Group at Layko Cebu President Fe Barino sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng hotel nitong June 20 kung saan tampok sa pagdiriwang ang charity dinner para sa Pope John XIII Seminary na pangunahing naghuhubog sa mga kabataang nais maging pari.
Aniya bagamat nasa hotel industry adhikain pa rin ng institusyon na ipakita ang mayabong na pananampalataya lalo’ at ang Cebu ang tinaguriang sentro ng kristiyanismo sa bansa.
“Even if we are in hotel industry, we continue to promote Christianity, to promote the Catholic faith, all our activities are always course towards promoting the faith.” pahayag ni Barino sa Radio Veritas.
Itinatag ang first-ever faith-themed hotel bilang alay at bunga ng 500 YOC kung saan si Msgr. Agustin Ancajas ang pangunahing nagdisenyo hango sa mga pangyayari mula nang ihasik ng mga misyonerong Espanyol ang kristiyanismo noong 1521 hanggang sa kasalukuyan.
Kabilang sa matatagpuan sa gusali ang iba’t ibang memorabilia ng pagdiriwang ng 500YOC tulad ng Jubilee Cross, bibliyang direktang isinalin sa Cebuano mula Aramaic, gayundin ang imahe ng Sto. Nino.
Ilang silid din ang nakadisenyo sa tema ng El Baptisterio, Ecce Homo, Eukaristiya at Mahal Birhen Dela Cotta.
Sinabi ni Barino na ito rin ay pakikiisa sa adhikain ng arkidiyosesis na isulong ang faith tourism sa lalawigan kung saan matatagpuan ang iba’t ibang pilgrim sites tulad ng Basilica Minore del Santo Nino, Magellan’s Cross, Simala Shrine, Venerable Teofilo Camomot Shrine, Capelinha de Fatima Replica Chapel at iba pa.