1,716 total views
Nanawagan sa pamahalaan ang Amihan Peasants Women’s Group na panagunahan ang mga inisyatibong mapabuti ang kalagayan ng single parents.
Ito ang hamon ni Cathy Estavillo – Secretary General ng grupo sa pamahalaan bilang paggunita ngayong araw ng International Widow’s Day na kumikilala sa sakripisyo ng mga balo upang makapamuhay ng may dignidad ang pamilya.
“Napakabigat mawalan ng mahal sa buhay ngunit hindi lang pagdadalamhati ang kinakaharap ng isang balo kundi araw-araw na diskriminasyon at kagipitan sa iba’t ibang anyo, lalo na ang mga nanay, kulang sa suporta ang mga single parents, na madalas napipilitang dumiskarte para pakainin ang kanilang mga anak sa panahon ng matinding pagtaas ng presyo ng mga bilihin.” mensahe ni Estavillo sa Radio Veritas.
Tinukoy ni Estavillo ang kakulangan ng mga batas na tinutulungan magkaroon ng sapat na kita o suporta ang mga balo, kasabay ng nararanasang diskriminasyon sa mga kababaihan sa lugar ng paggawa.
Panawagan ni Amihan ang paglikha ng mga batas na magbibigay ng benepisyo sa mga balo at pagtataas sa sahod ng mga manggagawa.
“Habang pinapagdiriwang natin ang International Widows’ Day, manawagan tayo para sa proteksyon ng mga karapatan at sapat na pinansyal na suporta para mga balo at single parent, kailangan din nating makiisa, mag-ingay, at manawagan ng hustisya para sa kaso ng mga naging balo dahil sa extrajudicial killings, red-tagging, at kahirapan.” ayon pa sa mensahe ni Estavillo.
Sa datos ng 2020 Census of Population and Housing (CPH) aabot 3.88 million ang bilang ng mga balo kung saan 2.95 million ay kababaihan.
Una ng kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippine Episcopal Office on Women ang patuloy na pakikiisa ng mga kababaihan sa ekonomiya kasabay ng paalala na ang bawat isa, babae man o lalaki ay nilikha ng Diyos na pantay-pantay.