258 total views
Mga Kapanalig, nag-uwi ang Pilipinas ng 117 na medalya mula sa katatapos lamang na ASEAN Para Games na ginanap sa Cambodia. Nakakuha ang ating mga para-athletes ng 34 gold medals, 33 silver medals, at 50 bronze medals. Hindi man ganoon kalaki ang natanggap na atensyon ng ating mga manlalaro sa ASEAN Para Games, malaki namang karangalan ang kanilang ibinigay para sa ating lahat.
Ang ASEAN Para Games ay nilalahukan ng mga atletang may kapansanan gaya ng mobility disabilities, visual disabilities, at intellectual disabilities. Biruin ninyo, hindi hadlang sa kanila ang mga itinuturing ng karamihan bilang mga limitasyon upang katawanin ang bansa sa iba’t ibang laro. At hindi birong laro ang mga ito. Humakot tayo ng medalya sa athletics, judo, powerlifting, swimming, at maging sa wheelchair basketball. Ang lahat ng ito ay nangangailangan ng matinding lakas ng pangangatawan, talas ng isip, at, higit sa lahat, puso. Mayroon ang lahat ng iyan ang ating mga para-athletes.
Gayunman, hindi lahat ng kababayan nating may kapansanan ay katulad nilang nabibigyan ng pagkakataong paunlarin ang kanilang talento at kalagayan sa buhay. Ito ay kabila ng pagiging una ng Pilipinas sa mga bansa sa Asya na nagkaroon ng Magna Carta for Persons with Disability (o PWD) noong 1992. Mayroon din tayong mga batas na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaang magtatag ng PWD Affairs Office, nagpapalawak ng oportunidad para magkaroon ang mga PWD ng trabaho, at nagbibigay sa kanila ng discount at exemption sa pagbabayad ng value-added tax. Ngunit katulad ng maraming batas sa bansa, magaganda lamang sila sa papel pero hindi naman nararamdamang naipatutupad nang maayos.
Marami at mabibigat ang hamong kinakaharap ng mga kababayan nating PWD. Nakararanas sila ng diskriminasyon sa trabaho. Kakaunti ang mga oportunidad para sa kanila upang makamit ang kanilang mga karapatang mamuhay nang matiwasay at makalahok sa buhay-pulitika ng bansa. Kulang na kulang pa rin ang mga pasilidad sa mga pampublikong gusali katulad ng mga paaralan upang maayos na makagalaw ang mga hindi makalakad, walang paningin, at may iba pang kapansanan. May mga kababayan tayong PWD na hindi nakapag-aaral dahil kulang sa mga aklat na naka-Braille para sa mga bulag at kakaunti laman ang mga sign language interpreters para sa mga bingi. Ilan lamang ang mga ito sa mga nararanasang hirap ng tinatayang 1.44 milyong PWD sa ating bansa.
Tumindi ang mga hamong ito noong pandemya. Naging mahirap para sa mga estudyanteng PWD na makisabay sa online learning. Noong 2020, 70% sa mga manggagawang PWD ang nagsabing lubhang naapektuhan ang kanilang paghahanapbuhay. Marami sa kanila ang hindi kayang mag-work-from-home o kaya naman ay nasa mga trabahong no-work-no-pay. Kung tayong mga walang kapansanan ay nahirapang makaraos noong kasagsagan ng pandemya, paano pa kaya ang mga kababayan nating PWD?
Ang malasakit sa mga kapatid nating PWD ay kitang-kita natin sa naging ministeryo ni Hesus. Sa Mateo 11:3-5, pinagaling sila ni Hesus: nakakita ang mga bulag, nakalakad ang mga pilay, at nakarinig ang mga bingi. Ang pagkalingang ito sa mga may kapansanan ang inaasahan sa ating mga tagasunod ng Panginoon. Ito ay umuusbong sa katotohanang ang bawat tao—kahit ang mga may kapansanan—ay may angking dangal bilang mga tao, gaya ng binibigyang-diin sa Catholic social teaching na Pacem in Terris.
Mga Kapanalig, napakalaking inspirasyon talaga—lalo na para sa mga PWD—ang tagumpay na nakamit ng ating mga para-athletes sa ASEAN Para Games. Sana ay makatanggap sila nang mas malaking suporta mula sa ating pamahalaan. Maging paalala rin sana sila na malaki ang ambag ng mga PWD sa ating lipunan kung bibigyan lamang sila ng patas na pagkakataon sa buhay—mapa-sports man ito sa iba pang larangan.
Sumainyo ang katotohanan.