371 total views
Homiliya Para sa ika-11 Linggo ng Karaniwang Panahon, 17 Hunyo 2023, Mat 9:36- 10:8
Nabagbag daw ang puso ni Hesus nang makita niyang nagdagsaan sa kanya ang napakaraming mga tao, dala ang kanilang mga kaanak na maysakit, may kapansanan at mga inaalihan ng dimonyo. Doon sa version ng kuwentong ito kay St Mark, katatapos pa lang niyang kumalinga sa isang grupo buong maghapon; napagod siya nang husto kaya magpapahinga na muna sana siya. Pero sinundan pa rin daw siya ng mga tao. Nahabag daw siya sa kanila dahil para silang “mga tupang walang pastol.” Doon, dahil hindi niya sila matiis, hinarap niya sila at ipinagpaliban ang pahinga.
Sa version naman na binasa natin kay San Mateo, dahil mabigat sa loob niya na iwan muna o hayaang maghintay ang mga tao, nasabi niya, sa kanyang mga alagad, “Malaki ang aanihin ngunit kakaunti ang mga manggagawa sa sakahan. IDALANGIN ninyo sa may-ari ng sakahan ng magsugo siya ng mas maraming manggagawa na magtatrabaho sa anihan.”
Ibig sabihin, para sa kanya ang pagtatatag ng kaharian ng Diyos ay GAWAIN MISMO NG AMA. Ito ang nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob para gawin ang dapat at kaya niyang gawin kahit alam niyang kulang na kulang ang sarili niya, ang oras at katawan niya para mabigyan niya ng atensyon ang mga nangangailangan ng kanyang kalinga.
Kahit madalas kong sabihin sa inyo na ang pagiging Kristiyano ay pakikiisa sa buhay at misyon ni Kristo, o pakikilahok sa gawain ng Mesiyas, hindi rin naman ito nangangahulugan na basta na lang tayo mag-iilusyon na para bang tayo ang Mesiyas. “Messianic complex” naman ang tawag sa ganyan—kapag inakala natin na tayo mismo ang magliligtas sa mundo.
Hindi tayo, kundi ang Diyos ang magliligtas. Hindi natin gawain ito; gawain ito ng Diyos. Kung ang mismong Anak ng Diyos ay may kababaang-loob na tanggapin ang limitasyon ng sitwasyon niya, dahil nagkatawang-tao siyang katulad natin na nabubuhay sa lugar at panahon, aminado siyang hindi naman niya kayang gawin lahat na mag-isa. Kailangan niya ng katrabaho. Ni hindi niya ipinalagay na basta na lang siya pipili ng kahit na sinong gusto niyang makakatrabaho.
Sa version ni San Lukas ng kuwentong ito, ginawa ni Hesus ang sinabi niyang kailangang gawin—ang MANALANGIN sa May-ari ng sakahan na magpadala pa ng makakasama sa gawain. Kaya nagdasal daw siya buong magdamag bago niya pinili ang labindalawang apostol o sugo mula sa maraming mga alagad niya. Ang alagad o “disipulo” ay tagasunod; ang sugo naman o “apostol” ay pinili mula sa mga tagasunod upang maging kinatawan niya, hindi KAPALIT. Representative hindi substitute. Kaya sinabi niya na ang pipili ng manggagawa ay ang “May-ari ng Sakahan”, ibig sabihin ang Diyos mismo. Dito galing ang konsepto natin ng “BOKASYON”.
Kaya pala nagkakamali tayo kapag inaakala natin na ang bokasyon at propesyon ay pareho lang. Hindi pala. Kadalasan tayo ang pumipili ng gusto nating propesyon, batay sa kakayahan at galing na sa tingin natin meron tayo. Sa usapin ng bokasyon, hindi tayo ang pumipili kundi ang Diyos. Tayo ang pinipili, tinatawag, hindi pinipilit. Tingnan mo si San Pablo—malay ba niya na ibabaligtad ng Diyos ang mundo niya? Mula sa pagiging tagausig o persecutor, naging tagataguyod o propagator ba naman siya ng pananampalatayang Kristiyano? O si San Pedro—malay ba niyang mula sa panghuhuli ng isda, ibabaling ng Diyos ang buhay niya sa pamamalakaya ng tao para sa kaharian ng Diyos?
Sa mga pinili ng Diyos, sa mga tumugon sa tawag ng Ama na makitrabaho o makiisa sa buhay at misyon ng Hinirang na Mesiyas, dalawang bagay ang ginagawa niya. Una binibigyan sila ng kapangyarihan. Pangalawa, hinuhubog ang pagkatao nila.
Ang bokasyon ay hindi karapatan kundi kaloob o regalo. Hindi naman tinawag ng Diyos ang mga apostol dahil qualified sila. May nabasa nga akong isang joke, na pina-evaluate daw muna ni Jesus ang labindalawang pinili niya para siguraduhin kung qualified ba sila. Ang nag-evaluate daw ay isang kumpanya na ang pangalan ay “Jordan Management Consultancy”. Halos wala daw pumasa sa standard ng kumpanya—iyung si Pedro may leadership nga pero pabugso-bugso naman daw sa pagdedesisyon, hindi consistent at kulang sa self-confidence. At iyung magkapatid na James and John ay masyado daw mainit ang ulo at palaaway. Si Tomas naman daw ay walang kumpyansa sa kasama. Si Bartolome arogante naman daw ang personality. Lahat sila bagsak sa evaluation, maliban kay Hudas Iskariote. Siya lang daw ang mataas ang qualification, may financial background, kumpyansa sa sarili, mahusay sa negosyo, etc.
Ang Diyos ang pumipili; siya rin ang gagawa ng paraan para mabigyan ng angkop na kakayahan ang mga pinipili niya. Siya naman ang may alam sa project niya: magpagaling, magpalaya sa mga inaalipin, magbigay-pag-asa sa mga nasisiraan ng loob at nawawalan ng direksyon sa buhay. Ang binibigyan niya ng kapangyarihan ay inilalapit muna niya sa Anak niya.
Higit sa lahat, ang pinipili ng Diyos at binibigyan niya ng kapangyarihan para maisugo bilang katrabaho sa kanyang sakahan ay SINASANAY muna niya, HINUHUBOG sila nang buong tiyaga. Hindi talino ng utak ang hinahanap niya kundi talino ng puso. Pusong may malasakit, pusong kung kailan nasasaktan at nagdurugo ay lalong nag-aalab. Pusong mapagpatawad at mapagpakumbaba. Kaya pala nasabi niya sa mga alagad niya, “Hindi alipin ang tinatawag ko kundi kaibigan dahil hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang amo. Kaibigan ang turing ko sa inyo. Ang bawat alagad na nagiging sugo at kapwa manggagawa ni Kristo ay kaibigan at kapanalig niya. Ang nahuhubog ayon sa puso niya ay uunahin ang mga nahuhuli, mga nasasantabi, mga naiiwan o napapabayaan. Ang nahuhubog ayon sa puso niya ay natututong magmahal na katulad niya, handang mag-alay ng buhay para sa minamahal.