541 total views
Mga Kapanalig, sa pangangaral ni Hesus sa bundok na matutunghayan natin sa Mateo 5:21, ipinaalala Niya, “Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mapapasapanganib sa kahatulan.” Malaking paglabag sa kalooban ng Diyos ang pagpatay, kaya hindi lamang sa mga batas ng tao mapananagot ang sinumang bumawi sa buhay ng kanyang kapwa. Maghihintay din siya ng paghatol mula sa Panginoong pinagmulan ng buhay.
Sa ngayon, hinihintay nating mapanagot sa mga batas ang mga nasa likod ng karumal-dumal na pagpatay kay Rolly Fausto, 52 taóng gulang na magsasaka sa Negros Occidental. Hindi lamang siya ang biktima. Natagpuan ding walang buhay sa kanilang kubo ang kanyang asawang si Emelda at dalawa nilang menor-de-edad na anak na sina Ben at Ravin. Tadtad sila ng bala nang madatnan ng panganay na anak nina Rolly at Emelda.
Miyembro ang mag-asawa ng Baclayan, Bito, Cabagal Farmers and Farmworkers Association na sinasabing pinag-iinitan ng militar dahil sa kanilang ugnayan diumano sa New People’s Army (o NPA). Ayon sa grupong Karapatan, biktima ng pangha-harass ng mga sundalo sina Rolly at Emelda ilang buwan bago sila pinatay. Isinailalim daw ang mag-asawa sa interrogation ng mga sundalo at hinalughog ang kanilang tirahan nang walang pahintulot. Sinaktan din daw si Rolly at pinilit na paamining kasapi siya ng NPA.
Itinanggi ito ng Armed Forces of the Philippines (o AFP). Hindi pa raw ito nakatatanggap ng impormasyon tungkol sa pagkakasangkot ng mga sundalo sa diumano’y harassment sa mag-asawang Fausto at sa nangyaring masaker. Idiniin ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar na ang kanilang constitutional mandate ay ang protektahan ang taumbayan, sabay patutsada sa grupong Karapatan na aniya ay nakibalita sa NPA upang akusahan ang mga sundalo.
Nangyari ang masaker habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon sa pagpatay kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo. Sa kasong ito, nakabuhos ang atensyon ng ating gobyerno at maging ng media. Ganito rin sana ang makita nating sigasig ng mga awtoridad at mamamahayag sa pagsubaybay sa patuloy na pagpatay sa mga ordinaryong mamamayan sa isla ng Negros.
Ang hindi nawawalang mga hinalang sangkot ang awtoridad sa mga pagpatay na ito sa isla ay iniuugnay pa rin sa Memorandum Order 32 na inilabas noong 2018 ni dating Pangulong Digong Duterte. Sa ilalim ng kautusang ito, nagdagdag ang gobyerno ng mas maraming sundalo at pulis sa ilang probinsya sa bansa, kabilang ang Negros Oriental at Negros Occidental. Ito ay upang sugpuin ang “lawless violence” at “acts of terror.” Mula noon, maraming kaso ng pagpatay ang nangyari sa isla. Ang nakalulungkot, hindi pa rin nabibigyang-linaw kung sangkot nga ba ang mga awtoridad sa mga pagpatay doon.
Ngunit may maasahan pa kaya tayong patas na imbestigasyon kung ang mga dapat na gumawa nito ay bahagi ng institusyong nagsusulong ng karahasan laban sa mga itinuturing na kalaban ng gobyerno? Sino ang maasahan nating sasama sa mga biktima at mga naulila nila sa paghahanap ng katarungan, kung ang mga tagapagpatupad ng batas ay nagsisilbing instrumento na rin ng pagtatago ng katotohanan? Lagi ring itinuturo ang mga rebeldeng grupo bilang sangkot sa mga pagpatay sa anila’y kapwa nila rebelde, ngunit napatunayan na rin ba ang mga ito?
Mga Kapanalig, ulitin natin ang paalala noong 2020 ni Bishop Gerardo Alminaza ng Diyosesis ng San Carlos: “It is a grave omission to remain silent and passive, and allow perpetrators to get away.” Isang matinding pagkukulang ang manatiling tahimik at walang-kibo, at payagan ang mga may kasalanan na makatakas. Nakapatong sa balikat ng ating gobyerno ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng mga pagpatay sa mga kapatid natin Negros, kasama sina Rolly Fausto at ang kanyang pamilya.
Sumainyo ang katotohanan.