694 total views
Mga Kapanalig, pamilyar ba sa inyo ang awiting “Bulag, Pipi at Bingi” ni Freddie Aguilar? Ang unang berso ng awit ay tumutukoy sa mga bulag: “Madilim ang ‘yong paligid, hatinggabing walang hanggan. Anyo at kulay ng mundo sa ‘yo’y pinagkaitan. Huwag mabahala, kaibigan, isinilang ka mang ganyan. Isang bulag sa kamunduhan, ligtas ka sa kasalanan”. Ang mga pipi naman, ayon pa sa awit: “Ibigin mo mang umawit, hindi mo makuhang gawin. Sigaw ng puso’t damdamin wala sa ‘yong pumapansin. Sampung daliri, kaibigan, d’yan ka nila pakikinggan
Pipi ka man nang isinilang, dakila ka sa sinuman.” Samantala, ang ikatlong berso ay nakatuon naman sa mga bingi: “Ano sa ‘yo ang musika, sa ‘yo ba’y mahalaga? Matahimik mong paligid, awitan ay ‘di madinig. Mapalad ka, o kaibigan, napakaingay ng mundo. Sa isang binging katulad mo, walang daing, walang gulo.”
Mapalad nga ba ang mga hindi nakakikita, hindi nakakapagsalita, at hindi nakaririnig? Sa panahon natin ngayon at sa gulo ng ating paligid, mukhang mapalad nga sila. Hindi nila nakikita ang karahasan. Hindi nila nagagawang makipagsagutan sa kanilang mga kaanak o kaibigang salungat ang opinyon sa mga bagay-bagay. Hindi nila naririnig ang mga masasakit at kung minsan ay bastos na pananalita ng kanilang kapwa sa isa’t isa.
Ngunit marami ring magaganda at mabubuting bagay na hindi nila maranasan: Hindi nila nakikita ang magagandang tanawin sa ating bayan. Hindi nila naibubulalas ang kanilang pagmamahal sa taong sinisinta. Hindi nila naririnig ang tawanan ng magkakaibigan.
Hindi lamang mga magagandang karanasan ang naipagkakait sa mga taong bulag, pipi, at bingi, gayundin sa mga pilay, may kulang na bahagi ng katawan, o kakulangan sa pag-iisip. Hanggang ngayon, kabilang ang mga persons with disability o PWD sa mga kababayan nating may maliit na puwang sa maraming larangan ng ating lipunan at modernong pamumuhay. Kakaunti ang mga trabahong angkop sa kanilang kakayanan. Hindi sapat ang mga pasilidad upang matiwasay silang makakilos o makapaglibang—gaya na lamang ng mga sirang elevators sa ating mga istasyon ng tren. Tampulan pa rin sila ng tukso at pangungutya ng publiko, gaya ng madalas nating napapanood sa TV.
Sa isang pahayag na inihanda ng Simbahang Katolika bilang paghahanda sa Jubilee Day noong taóng 2000, binigyang-diin na ang kapansanan o disability ng isang tao ay hindi dapat tingnan bilang kaparusahan. Inihaharap sa atin ng mga taong may kapansanan ang mga tanong tungkol sa kung ano nga ba ang “normal” sa isang lipunan, at sa pamamagitan nito, nahahamon tayong alamin kung anu-ano nga ba ang ibig sabihin ng buhay na ganap para sa isang tao. Bitbit nila ang Kristyanong mensahe ng pakikipag-ugnayan natin sa Panginoong lumikha at nagbigay sa atin ng ating dignidad. Hindi binabawasan ng anumang kapansanan ang dignidad ng isang tao.
Kaya naman, maituturing na magandang balita para sa mga kapatid nating PWD ang pagpirma ng kalihim ng DSWD na si Judy Taguiwalo sa implementing rules and regulations o IRR ng Republic Act 10754. Pinapalawig ng nasabing batas ang mga benepisyo at pribiliheyo ng mga PWD, kabilang ang hindi na pagbabayad ng 12% value added tax o VAT sa mga piling serbisyo. Maagang pamasko ito para sa ating mga kababayang may kapansanan.
Ngunit huwag sanang matapos sa pagbibigay sa kanila ng exemptions o discount ang ating pagkilala sa dignidad ng mga PWD. Mga Kapanalig, ngayong International Day of Persons with Disability at sa pagsisimula ng panahon ng Adbiyento, nawa’y lumawak at lumalim pa ang ating pagkilala sa mga kababayan nating iba man ang pisikal na anyo o kakayanan ay katulad nating lahat, mga anak ng Diyos na buhay.
Sumainyo ang katotohanan.