2,290 total views
Ipinagdiriwang ng Caritas Caceres ang ika-50 anibersaryo bilang katuwang ng simbahan sa paglilingkod sa higit na nangangailangan.
Ginunita ang pagdiriwang sa pamamagitan ng Banal na Misa sa pangunguna ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, na siya ring dating chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace.
Sa pagninilay, inihayag ni Archbishop Tirona na naging makabuluhan ang 50 taon ng Caritas Caceres dahil sa tulong ng mga indibidwal na patuloy na nag-aalay ng panahon para mapaglingkuran ang mga higit na nangangailangan.
“What is important more than the dates of our institution are the people who have invested their time, their talents, their resources, their hearts, especially, so that the social action of Caceres be truly reflect the heart of Jesus who serves the poor,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Tirona.
Pinagtuunan din ng Arsobispo ang pagpapasalamat nang may kagalakan dahil sa patuloy na biyaya at paggabay na kaloob ng Panginoon.
Sinabi ni Archbishop Tirona na marapat lamang na ipagdiwang nang may kagalakan ang ginintuang taon ng Caritas Caceres dahil magmula nang ito’y maitatag ay patuloy pa rin ang pagtugon upang matulungan ang kapwa.
“We have contributed for the growth of Caritas Caceres and we celebrate our presence here. A celebration of encouragement, a celebration of congratulations because throughout the years, we have been partners to each other in this beautiful ministry of social action,” ayon sa Arsobispo.
Hinimok naman ni Archbishop Tirona ang bawat isang naglilingkod sa social arm ng Arkidiyoses na ipagpatuloy ang nasimulang gampanin, at panibaguhin ang sarili upang higit pang mapaglingkuran ang mamamayan lalo na ang mahihirap.
“We think of the past so that we can be pushed so to say and impelled to move forward. So, we are not caught in nostalgic memory, but we are called to renew ourselves so that we may become all the stronger, firm, committed in pursuing our goal in proclaiming the goodnews of Jesus,” saad ni Archbishop Tirona.
Kasalukuyang executive director ng social arm ng Arkidiyosesis si Fr. Marc Real.
Dumalo naman sa pagtitipon si Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo.
Hunyo 1973 nang itatag ang Social Action Center ng Archdiocese of Caceres sa pamumuno ng noo’y Archbishop Teopisto Alberto, at inihalal si Monsignor Alberto Nero bilang unang direktor.
Hulyo 1989 naman nang kilalanin ito bilang Caceres Social Action Foundation Inc. (CASAFI), habang Disyembre 2014 nang palitan muli ang pangalan nito bilang Caritas Caceres, alinsunod sa mandato ng CBCP- National Secretariat for Social Action (NASSA) na ngayo’y kilala bilang Caritas Philippines.