2,082 total views
Hinikayat ng World Wide Fund for Nature-Philippines ang mga namumuhunan sa sektor ng enerhiya na makibahagi sa layuning paunlarin ang paggamit ng renewable energy sa bansa.
Ayon kay WWF-Philippines Climate and Energy Program Head, Atty. Angela Ibay, higit na kailangan ang pagtutulungan ng bawat isa lalo na ang mga nasa sektor ng enerhiya layuning mapabilis ang pagpapalit ng bansa sa malinis at abot-kayang enerhiya mula sa maruming industriya ng fossil fuel.
“Having a stable and robust renewable energy sector will be a great benefit to all Filipinos because it will provide cheaper electricity prices as well as provide a buffer against the volatile global oil supply market,” ayon kay Ibay.
Napag-alaman sa ulat ng WWF-Philippines na ang paglago ng renewable energy sa bansa ay nahahadlangan ng mahabang proseso sa pagkuha ng mga permit para sa renewable energy projects, kahit na ang Energy Virtual One Stop Shop (EVOSS) ay kinikilala bilang isa sa renewable energy transition enabler.
Gayundin ang kakulangan sa pagsusulong upang maipakilala ang renewable energy sa mga pribado at pampublikong sektor na naghahantong sa kawalan ng sapat na kaalaman sa mga patakaran sa malinis na enerhiya.
Patuloy namang itinataguyod ng WWF-Philippines ang Monitoring Renewable Energy (MoRE) Implementation in the Philippines Project na layong makatulong sa pagpapaigting ng kampanya sa paggamit ng renewable energy.
Katuwang sa MoRE project ang pamahalaan, iba’t ibang grupo at industriya upang tugunan ang mga dapat punan sa pagbabantay sa kalagayan at pagsasakatuparan ng mga polisiya hinggil sa pagtangkilik sa malinis na enerhiya.
Inihayag ni WWF-Philippines MoRE Project Manager Geraldine Anne Velasco na mahalaga ang pagbabantay sa pagsusulong ng renewable energy upang matukoy ang mga nagawa na at mga dapat pang gawin upang maabot ang target na 35 porsyentong renewable energy share sa generation mix sa taong 2030.
“This report could serve as a guide for stakeholders to the policies promoting renewable energy, which could be useful in making the necessary revisions or adjustments to these policies, if any,” ayon kay Velasco.
Ilan sa mga renewable energy na maaaring magamit sa Pilipinas ay ang hydropower, geothermal, solar, wind power at biomass resources.
Batay sa 2017 report ng Philippine Electricity Market Corporation, nakatipid ng higit apat na bilyong piso ang bansa mula sa pamumuhunan sa renewable energy.
Sa pagtataya ng WWF-Philippines, nakatipid din ang bawat Filipino ng P5.67 kasabay ng paglikha ng mga lokal na trabaho at pagbaba ng carbon emission sa bansa na aabot sa 2.8 milyong tonelada.
Una nang iminungkahi ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si’ ang pagpapalawak ng paggamit sa renewable energy upang matugunan ang kakulangan sa kuryente, at palitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pinsala sa kalikasan.