185 total views
Mga Kapanalig, nakagawian na sa Pilipinas na bigyang pansin ang sektor ng maralitang tagalungsod tuwing unang linggo ng Disyembre na tinaguriang Urban Poor Solidarity Week. Ang paggunitang ito ay itinataon sa anibersaryo ng pagkakatatag ng Presidential Commission for the Urban Poor, o PCUP, isang tanggapang mismong ang mga maralitang tagalungsod ang humiling sa pamahalaan at naipagkaloob naman ng dating Pangulong Corazon Aquino noong ika-8 ng Disyembre 1986. Pakikiisa sa mga maralitang tagalungsod at pag-unawa sa kanilang kalagayan at mga adhikain—pangunahin na ang disenteng pabahay—ang nais maitampok sa pagdiriwang ng linggong ito.
Tuwing Disyembre rin, ang mga maralitang tagalungsod sa Kamaynilaan ay nagdaraos ng isang sama-samang pagkilos na tinatawag nilang “Panunuluyan”. Ang Pilipinong tradisyon ng panunuluyan ay isinasadula ang paghahanap nina Mahal na Birheng Maria at ni San Jose ng matutuluyan kung saan maaring isilang si Hesus. Sa panunuluyan ng maralitang tagalungsod, isinasadula ang pagsusumikap ng mga maralita na makamit ang minimithing maayos na tirahan at katiyakan sa paninirahan. Maraming mga samahan ng mga maralitang pamayanan ang sama-samang naglalakad upang tumungo sa ilang piling mga tanggapan ng pamahalaan upang iparating ang mensaheng sila ay tulad ng banal na pamilyang tila napagsasarhan ng puso ng mga tao at ‘di mapagkalooban ng matutuluyan.
Sa taóng ito, idaraos ang “Panunuluyan ng Maralitang Tagalungsod” sa ika-14 ng Disyembre sa Lungsod ng Maynila. Bahagyang maiiba ang pagsasadula sa pagkakataong ito sapagkat nais nilang iparating ang mapait na nararanasan ng maraming maralitang komunidad sa ilalim ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga.
Tila nga isang pagsalungat, mga Kapanalig, sa diwa ng kapaskuhan ang mga nagaganap na karahasan sa mga mahihirap na pamayanan. Patuloy na dumarami ang mga anak, kapatid, asawa at magulang na napapatay dahil sila ay nadamay, napagkamalan, sinadyang patayin ng ‘di kilalang mga salarin, o kaya ay sinasabing nanlaban sa mga pulis na nagsagawa ng Oplan Tokhang. Marami ang umaalma dahil kabilang sa mga napatay ang mga sumuko sa barangay o kapulisan sa pag-asang sila ay tutulungang makapagbagong-buhay. Sa halip na makapagbagong-buhay, sila ay binawian ng buhay.
Maliban sa matinding takot na ngayon ay bumabalot sa mga maralitang komunidad, ang isang mapanirang kaganapan ay ang unti-unting pagkasira ng tiwala ng mga magkakapitbahay sa isa’t isa dahil na rin sa Oplan Tokhang. May mga nag-aatubiling tulungan ang isang kaibigan o kapitbahay na maaring “natokhang” dahil sa takot na mapagbintangang kumukupkop o kumakalinga sa mga gumagamit ng droga. Ang masamang bunga nito ay ang unti-unting pagkasira ng pagkakaisa ng komunidad.
Sa mga maralitang komunidad, ang pagkakaisa ay isang natatanging yaman o puhunan ng mga tao sapagkat sa pamamagitan nito ay nakakakilos sila nang sama-sama upang isulong ang kanilang mga mithiin. Ang bayanihan ay isang likas na kaugalian ng mga Pilipino at ang diwa nito ay buhay na buhay sa maraming maralitang komunidad. Nakakalungkot na nanganganib itong masira ng takot at kawalan ng tiwala sa kapwa na lumalaganap ngayon dahil sa marahas at madugong operasyon laban sa droga.
Pinapaalala sa atin ng Simbahan na likas sa tao ang magkaroon ng buhay-pamayanan at ito ang kaibhan niya sa ibang mga nilalang. Pinapaalala rin sa ating ang buhay-pamayanan ay hindi lamang dakilang hangarin ng isang mamamayan kundi ito rin ang sandigan ng anumang uri ng demokratikong kaayusan at siya ring magtitiyak ng pananatili ng demokrasya. Samakatuwid, mga Kapanalig, kapag unti-unting humina ang buhay-pamayanan, lalo na sa mga maralita na siyang nakararami sa ating populasyon, hihina rin ang kakayahan ng mga taong ipagtanggol ang demokrasya at ang kanilang mga demokratikong karapatan.
Ang Oplan Tokhang ay may mas malalim na panganib na binabanta. Hindi lamang nito kinikitil ang buhay ng mga tao, kinikitil din nito ang demokrasya sa ating lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.