1,411 total views
Tayo ay mapalad, kapanalig. Bahagi tayo ng isang dakilang tradisyon: ang Kristyanismo. Sa darating na 2021, ating gugunitain ang ika-500 anibersaryo nito sa ating bansa.
Sa gitna ng lahat ng pagbabago sa ating mundo, sa loob ng ilang daang taon, ang kristyanismo ay namayagpag at umiral ng lubusan sa ating bansa. Maraming mga konsepto at kulto, paniniwala at konbiksyon ang lumitaw sa ating lipunan, ngunit ang Kristyanismo ay hindi natinag. Nagliwanag ito sa ating bayan, at nanatiling gabay ng mayoridad.
Ang kasiglahan ng kristyanismo sa bansa ay hindi lisensya upang tayo ay maging kumpiyansa o magsawalang-bahala. Habang dumadaloy ang panahon, mas tumitindi rin ang mga hamon sa ating pananalig. Ang culture of death ay nagpupumilit bigyan ng karimlan ang liwanag ng kultura ng buhay na dala ng kristyanismo.
Ngayon, nakikita natin ang paglaganap ng pagyurak sa dangal ng tao, gaya ng extrajudicial killings, ang planong pagbabalik ng death penalty at ang pagpapaba ng minimum age of criminal responsibility (MACR) mula 15 hanggang 9. Makikita rin ito sa paglaganap ng hatred o pagkamuhi sa social media, ang patuloy na pagtapak sa karapatan ng mga biktima ng martial law, ang pagpapatuloy ng child labor at human trafficking, at iba pang krimen na nabibigay sakit sa maraming tao. Ang mga ito ay nagtatangkang patayin ang liwanag ng kristyanismo.
Kaya nga’t kapanalig, kailangan nating gisingin at pagliyabin ang ating pananalig. Kailangan natin itong gawing masiglang inspirasyon ng ating pagkilos sa ating mundo. Kapanalig, puno ang ating mga simbahan kada linggo, ngunit bakit lumalakas ang kultura ng kamatayan sa ating lipunan ngayon? Mahigit 80% ng ating populasyon ay katoliko, ngunit bakit tila, kayhina ng ating pagkilos sa lipunan ngayon?
Dalhin natin sa ating mga tahanan ang magandang balita. Dalhin natin si Kristo sa ating mga tahanan. Hindi nararapat na ang ating pananalig ay manatiling mga sambit at hinaing na ating binubulong sa mga haligi ng simbahan. Kailangan ito ay maging buhay at aktibong pananalig kahit saan man tayo naroroon. Ayon nga sa CBCP Pastoral Letter on the Era of New Evangelization: Live Christ, Share Christ.
Kapanalig, ang krisyanismo ay hindi lamang dogma o konsepto na ating binabalikbalikan tuwing linggo. Ito ay ating pamilya. Ang ating pagsimba ay hindi lamang obligasyon, ito ay isang tuwirang paanyaya: Halika, manumbalik ka sa iyong tahanan., “Come Home.”
At sa ating tahanan, walang puwang ang pagkamuhi. May pagkakaiba, oo, pero mas malakas ang pag-ibig. At ang pag-ibig na ito ay ang dapat mamayani, lalo na’t ika limang sentenaryo na ng ating pananalig. Pakatandaan, ang kristyanismo ay bunga ng pagmamahal: isang luntiang pagmamahal na handang magbuwis buhay para tayo ay maisalba. Ang pagmamahal na ito ang ating identity, ang ating pagkakinlalan.