159 total views
Dapat nang maghanda ngayon pa lamang ang sambayanang Filipino para sa pagdating ng Panginoon kaugnay na rin ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa 2021.
Ayon kay Fr. Anton C.T. Pascual, pangulo ng Radyo Veritas, ito ay mahalagang panahon ng Diyos na kailangan magkaroon ng epekto sa buhay ng bawat mananampalataya at maging ng bansa.
“Tayo ay naghahanda sa pagdating ng Panginoon, lalo na sa Pilipinas sa susunod na limang taon na mag-culminate sa taong 2021, kung saan gugunitain natin ang 500 years of Christianity sa Pilipinas, ito ay important time of the Lord sana maging tunay na makabuluhan ang pananampalatayang Kristiyanismo at magkaroon ng epekto sa ating buhay at maging sa bansa,” pahayag ni Fr. Pascual sa panayam ng Radio Veritas.
Dahil dito, ayon kay Fr. Pascual, nakikiisa ang Radyo Veritas para mas paigtingin ang pananampalatayang Kristiyano sa mananampalataya na hamon sa atin ng Panginoon at pagpapalaganap ng pagliligtas ni Kristo sa sangkatauhan.
“Mahalaga na tayo ay makiisa sa pagsasabuhay ng pananampalataya ito ang hamon sa atin ng Panginoon sa Mateo 28 na lahat tayo ay sugo ng Mabuting Balita ng pag-ibig, ng katarungan ng kapayapaan, pagkakaisa ng mamamayan kaya’t bilang isang Simbahan sa Radyo Veritas mahalaga na tayo ay makiisa sa pagpapalaganap ng pagliligtas ni Kristo sa lahat ng tahanan lalo na sa mga apektado ng kahirapan at mga Krisis sa buhay,” dagdag pa ng pari.
Kaugnay nito, sinabi ni Fr. Pascual na upang ganap na magampanan ng himpilan ang pakikiisa nito sa Simbahang Katolika, kailangan ng suporta ng panalangin at donasyon mula sa ating mga kapanalig na magsisimula sa halagang P500 kada taon.
Gagamitin ang halaga para sa pagpapatayo ng mga antenna, istasyon at pagkuha ng mga bagong staff na mangangasiwa para sa pagpapalakas ng ating Bagong Ebanghelisasyon.
“Sa Radyo Veritas tayo ay magkakaroon ng pagpapalakas ng ating new evangelization at ang instrumento ay media, Church on air sa pamamagitan ng radyo ipalaganap sa buong Pilipinas, ang social media at ang tele-radyo na makilala ng tao na ang Diyos lumago ang relasyon natin at dito ay magkaroon ito ng ugnayan sa kanilang buhay at sa buong bansa. Kaya para matulungan tayo to finance our new evangelization hihingi tayo ng suporta sa ating mga kapanalig, ng panalangin at pledges at least P500 a year, puwede naman magbigay ng malaki if gusto nila, para matustusan ang ating new evangelization sa Pilipinas kailangan natin magtayo ng mga antenna, istasyon at kumuha ng mga staff na mangangasiwa sa ating evangelization,” pahayag pa ng pari.
Kahapon inilunsad ang soft launching ng Veritas 500 Telethon 2016 na “Give Me 5 for the next 5 years” na may temang dalhin si Hesus sa bawat tahanan.