1,953 total views
Inaanyayahan ng pamunuan ng Minor Basilica of the Immaculate Conception Cathedral o Manila Cathedral ang mananampalataya na bisitahin ang exhibit tampok ang iba’t ibang memorabilia mula sa mga nagdaang Papal Visit sa bansa.
Ito ay ang The Popes in the Philippines: Papal Visit Memorabilia Exhibit na matatagpuan sa Blessed Souls Chapel sa loob ng Manila Cathedral na magtatagal hanggang Linggo, July 2.
Ayon kay Manila Cathedral rector Msgr. Rolando dela Cruz, layunin ng exhibit na muling ipadama sa mga mananampalataya ang mga alaala nang bumisita ang mga Santo Papa na naghatid ng kagalakan at pagpapala sa sambayanang Pilipino.
“Why do we do these things? Because we would like to remember. And when we remember, we hope to revisit the joys and the graces that we received during those momentous events,” ayon kay Msgr. dela Cruz.
Makikita sa exhibit ang mga larawan, damit, at ilan pang ginamit noong bumisita sa bansa sina St. Paul VI noong 1970; St. John Paul II noong 1981 at 1995; at Pope Francis noong 2015.
Ang konsepto ng exhibit ay nagmula kay Manila Cathedral vice rector Fr. Fr. Vicente Gabriel Bautista bilang bahagi ng pagdiriwang ng Archdiocese of Manila sa Pope’s Day kasabay ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo.
Pinangunahan naman ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang pagbabasbas at pagpapasinaya sa exhibit kasama ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula at si Msgr. dela Cruz.