1,705 total views
Itinuring na natatanging misyon ang pagpapatuloy sa debosyon ng Mahal na Birhen ng Caysasay.
Ito ang iginiit ni Vincent Raguero, ang tagapamuno ng Our Lady of Caysasay Marikina Chapter sa pagdiriwang ng ika – 17 anibersaryo ng grupo.
Ayon kay Raguero kalooban ng Diyos na pamahalaan ang grupong nagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Ina na makatutulong mahubog ang pananampalataya ng tao.
“Misyon ang ipinagkaloob ng Diyos, di naman to ini-expect ee kasi siya ang nagpaplano always the plan of God; saka nakaka-encourage ng tao tapos nakatutulong sa spiritiual na pangangailangan.” pahayag ni Raguero sa Radio Veritas.
Ayon naman kay St. Gabriel of Our Lady of Sorrows Parish Priest Fr. Rey Carvyn Ondap,malaking tulong sa paghubog at paglago ng pananampalataya ang debosyon sa Mahal na Birheng Maria lalo na sa lungsod ng Marikina.
“Basta usaping Mama Mary pinalakas ang pananampalataya at debosyon dito sa Marikina at ang Marikina ay being consecrated to the Immaculate Heart of Mary.” ani Fr. Ondap.
Noong July 1 ay pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown ang pagdiriwang sa halos dalawang dekadang pagmimisyon ng Our Lady of Caysasay Marikina Chapter na dinaluhan ng daan-daang deboto ng Mahal na Birhen.
Tampok sa pagdiriwang ang pagputong ng korona at pagprusisyon sa imahe, pagdarasal ng Santo Rosaryo, gayundin ang pagtalaga ng pamayanan sa Immaculate Heart of Mary at Sacred Heart of Jesus.
Tiniyak ni Raguero na higit pang pag-ibayuhin ang pagmimisyon sa tulong debosyon sa Our Lady of Caysasay upang higit mailapit ang tao tungo sa landas ni Hesus.
Batay sa kasaysayan 1603 nang malambat ng mangingisdang si Juan Maningkad ang imahe sa Pansipit River, sa Taal, Batangas.
Kalaunan ay ipinagkatiwala ang pangangalaga nito kay Doña Maria Espiritu kung saan inilagay ito sa special urn subalit kapansin pansin ang palaging pagkawala ng imahe.
Matapos mawala ng mahabang panahon muling natagpuan ang imahe ng Birhen ng Caysasay noong 1611 kung saan napagdesisyunan ng mamamayan kasama ang pari sa lugar na magtayo ng dambana para sa imahe.
December 8, 1954 kasabay ng pagdiriwang ng pista ay ginawaran ng Canonical Coronation sa Basilica of San Martin de Tours sa pangunguna ni Spanish Cardinal Fernando Quiroga bilang kinatawan ni Pope Pius XII.