1,707 total views
Nakipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang ilunsad ang ‘Mahalin at Kalingain ating mga Bata’ o Makabata Hotline laban sa Child Labor.
Layunin ng inisyatibo na mahikayat ang mamamayan na makiisa sa mga inisyatibo na iwaksi ang anumang gawain ng child labor at child abuse.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, bahagi din ang bagong programa sa tuluyang pagwawaksi ng child labor sa Pilipinas.
“Kinikilala ko rin ang bukas-palad na pagsuporta ng mga miyembro at social partners natin mula sa National Council Against Child Labor (NCACL)… Salamat sa walang sawang pakikiisa at paniniwala sa labang ito.” ayon sa mensahe ni Laguesma na ipinadala sa Radio Veritas.
Inaasahan ng kagawaran sa paglulunsad ng Makabata Hotline na mapanagot ang mga mahuhuling nang-aabuso sa mga bata na dapat ay nasa mga paaralan.
Bahagi pa ng programa ang pagbibigay ng rehabilitation at livelihood assistance sa mga pamilya o mapapatunayang child laborers upang hindi na bumalik sa gawain.
Sa tulong ng Makabata hotline ay maaring ipagbigay alam sa mga kagawaran sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa mga numero bilang 0-9-6-0-3-7-7-9-8-6-3 at 0-9-1-5-8-0-2-2-3-7-5 email address na [email protected] ang mga kaso o pagkakataon na makakasaksi ng pang-aabuso o child labor.
Unang nanindigan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines laban sa anumang uri ng pang-aabuso sa kabataan at higit na sa gawain ng child labor.