1,537 total views
Binigyang diin ni Malasakit at Bayanihan Partylist Representative Anthony Golez na mahalagang maunawaan ng bawat Pilipino ang nilalaman ng Universal Health Care Law.
Sinabi ni Golez na sa pamamagitan ng batas ay mabigyang kalinga ang pangangailangang pangkalusugan ng mamamayan.
“Dito sa Universal Health Care law mahalaga po na malaman natin na ito ang susi para ma improve ang health care system natin. Pini-prepare po iyan more than 20 years ago and now is the time to implement it,” pahayag ni Golez sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng mambabatas 2004 nang magkaroon ang Department of Health ng Health Sector Reform Agenda tungo sa universal healthcare na kasalukuyang ipinatutupad.
Tinukoy ni Golez na kabilang sa mandato ng batas ang pagpapaigting sa primary health care centers sa mga kanayunan upang matugunan ang kalusugan ng mamamayan at maiwasan ang paglala ng karamdaman.
“Ang importante po dito ang Department of Health turuan ang lahat ng Local Government Unit about its implementation,” ani Golez.
Ibinahagi rin nito ang pinalakas na ‘Konsulta Package’ na kabilang sa Universal Health Care Law na ipinatutupad ng Philhealth na mapakikinabangan ng mga Pilipino.
Tampok sa programa ang 500 hanggang 750 pisong konsulta package sa mga partner healthcare facilities kung saan bukod sa pagpapakonsulta kasama rin dito ang mga gamot at laboratory.
Tiniyak ni Golez na gumagawa rin ito ng hakbang na matulungan ang DOH sa pagtugon sa pangangailangan ng healthcare workers upang manatili sa bansa at maglingkod sa mga Pilipino.
Kabilang sa hakbang ang pagbibigay ng plantilla positions sa mga doctor na katuwang ng pamahalaan sa health sector alinsunod sa ulat ng DOH na may nalalabing pitong bilyong piso para sa plantilla position.
Una nang sinuportahan ng simbahang katolika ang Universal Health Care Law at iba pang kaakibat na programa ng pamahalaan na magpapabuti sa sektor ng kalusugan sa bansa na makatutugon sa mga suliranin tulad ng nagdaang pandemya.