1,374 total views
Kinilala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Office on the Protection of Minors (CBCP-OPM) ang inisyatibo ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang Mahalin at Kalingain ating mga Bata o Makabata Hotline program laban sa Child Labor.
Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari – miyembro ng CBCP-OPM, malaking tulong ang programa upang mapaigting ang pakikiisa maging ng mga payak na mamamayan sa pangangalaga sa karapatan ng mga bata.
Ito ay dahil sa tulong ng proyekto, mabilis na maipaparating sa DSWD at DOLE ang kaso ng ibat-ibang uri ng pang-aabuso sa mga batang dapat sana ay malayang nakakapag-aral.
“Nagpapasalamat ako sa mga nasabing DOLE & DSWD officials sa paglulunsad nila ng MAKABATA HOTLINE, ito ay napakalaking tulong upang matugunan kaagad ang mga pang-aabuso sa mga bata kahit sa ano mang paraan, sana ang mga concerned citizens ay makipagtulungan sa mga nasabing ahensiya upang maireport nila ang mang klaseng pang-aabuso na ginagawa sa mga bata.” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Sa tulong ng Makabata Hotline ay maaring isumbong ng mga concerned citizens sa DOLE at DSWD ang mga kaso ng child labor at child abuse sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe sa 0-9-6-0-3-7-7-9-8-6-3, 0-9-1-5-8-0-2-2-3-7-5 at email address na [email protected].
Sa datos ng Philippines Statistics Authority noong 2021, umabot sa 31.47-million ang bilang ng mga nagtatrabahong kabataang nasa edad lima hanggang labing-pitong taong gulang.
Habang noong 2022 ay naitala ng Council for the Welfare of Children na umabot sa siyam na libo ang bilang ng mga kaso ng pang-aabuso sa kabataan sa buong Pilipinas.