393 total views
Mga Kapanalig, itinalaga ni Pangulong Bongbong Marcos Jr ang kontrobersyal na personalidad na si Larry Gadon bilang Presidential Adviser on Poverty Alleviation.
Sa posisyong ito, makikipagtulungan si Secretary Gadon sa mga ahensya ng gobyerno, mga NGO, at iba pang sektor upang bumuo at magpatupad ng mga komprehensibong programang tutugon sa mga ugat ng kahirapan. Papayuhan niya ang pangulo tungkol sa mga kailangang gawin upang tuldukan ang kahirapan sa bansa. Gayunpaman, marami ang umalma sa pagkakatalaga ni Secretary Gadon sa posisyon.
Noong Miyerkules, isang araw matapos inanunsyo ang kanyang appointment, inilabas ng Korte Suprema ang desisyon nitong i-disbar o tanggalin ang lisensya ni Secretary Gadon bilang abogado. Sa desisyong 15-0, lahat ng mahistrado ng Korte Suprema ay sumang-ayong hindi na karapat-dapat maging abogado si Secretary Gadon. Ito ay matapos ang paulit-ulit niyang pagmumura at pambabastos sa mamamahayag na si Raissa Robles sa isang viral video habang nangangampanya noong nakaraang eleksyon. Kaalyado ng pangulo si Secretary Gadon na tumakbo pang senador sa ilalim ng kanyang tiket ngunit natalo.
Bago ang viral video, naging kontrobersyal din si Secretary Gadon sa panlalait sa mga tagasuporta ni dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa isang protesta habang nililitis ang impeachment case ng dating punong mahistrado. Noong 2016, inulan din siya ng kritisismo matapos niyang sabihing kailangang patayin ang mga Muslim dahil sila ang dahilan ng kaguluhan sa Mindanao. Maliban sa mga ito, mayroon pang anim na administrative cases sa Office of the Bar Confidant at apat na disciplinary cases sa Integrated Bar of the Philippines na kinakaharap si Secretary Gadon. Sa tingin ninyo, mga Kapanalig, ano ang sinasabi ng mga kontrobersyang ito tungkol sa kanyang karakter?
Sa kabila ng negatibong imahe ng dating abogado, bilib si Pangulong BBM na magagawa ni Secretary Gadon ang kanyang trabaho nang maayos at mahusay. Hindi ito ang pananaw ng iba. Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros sa pangulo na muling pag-isipan ang pagtatalaga kay Secretary Gadon. Hindi raw magdudulot ng kumpiyansa sa gabinete ng pangulo ang pagkaka-disbar kay Secretary Gadon. Hindi rin naman daw siya eksperto sa isyu ng kahirapan. Sang-ayon si Liza Maza, dating pinuno ng National Anti-Poverty Commission, na dapat muling pag-isipan ng pangulo ang pagtatalaga kay Secretary Gadon. Aniya, maituturing na sampal sa pangulo ang desisyon ng Korte Suprema na tanggalin sa pagkaabogado si Secretary Gadon. Insulto rin daw ang pagtatalaga sa kanya sa mga babaeng pumapasan ng kahirapan sa bansa.
Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahan ang kahalagahan ng moral na aspeto sa pamamahala. Ibig sabihin, inaasahan ang ating mga lingkod-bayang gamitin ang kanilang kapangyarihan upang maglingkod. Maipakikita ito sa pagkakaroon ng pasensya, kahinahunan, at pagkakawanggawa sa kanilang mga pinaglilingkuran. Ang tunay na lingkod-bayan ay gumagalang sa kanyang kapwa at nakatuon sa pagkamit ng kabutihang panlahat o common good.
Hindi maiiwasang may mga kumuwestyon sa pagtatalaga sa gobyerno ng mga taong nasasangkot sa mga kontrobersya at humaharap sa iba’t ibang kaso. Maituturing na salungat sa magandang plano ng Diyos sa pamamahala ang pagkakaroon ng mga pinunong may rekord ng pambabastos sa kapwa at may pagkiling sa karahasan. Maliban sa usapin ng kakayahan, naniniwala ang Simbahang importanteng kwalipikasyon ng mga lingkod-bayan ang kanilang mga pinahahalagahan (o values) at karakter upang tunay na makapaglingkod sa taumbayan.
Mga Kapanalig, katulad ng sinasabi sa Mga Awit 78:72, kailangan natin ng mga lingkod-bayang “tapat ang puso at papatnubayan tayo sa pamamagitan ng kabihasahan ng kanyang kamay.” Mas piliin sana ni Pangulong Marcos Jr. ang mga lingkod-bayang bihasa ang kamay, may pusong marunong gumalang, at gagamitin ang kanilang posisyon upang tunay na maglingkod sa taumbayan, lalo na sa mahihirap.
Sumainyo ang katotohanan.