2,469 total views
Hinimok ni Radio Veritas President Fr. Anton Pascual ang mga catholic composers sa bansa na lumahok sa ‘Himig ng Katotohanan’ liturgical song writing contest ng himpilan.
Ayon sa pari layunin nitong makapaglikha ng mga bagong kantang pansimbahan na magagamit sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
“Para sa ating mga choirs, catholic composers inaanyayahan ko kayong makiisa sa ating Himig ng Katotohanan, gumawa ng mga kanta sa misa sapagkat ang pag-awit ay isang magandang paraan ng paglago sa buhuay espiritwal,” bahagi ng pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Tema ng patimpalak ang “Synodality: Fellowship, Participation and Mission” hango sa synodality ng Santo Papa Francisco.
Kabilang sa kategorya ang original composition ng apat na processional songs (entrances, offertory, communion and recessional); maaring isulat sa Filipino at English at naaangkop sa banal na pagdiriwang; hindi lalampas sa limang minuto; habang binubuo ng walo hanggang 15 choir members na may endorsement mula sa Parish Priest ng parokya.
Pinalawig ng himpilan ang deadline ng entries sa September 30 habang itinakda ang grand finals sa November 22, 2023 kasabay ng kapistahan ni Santa Cecila ang pintakasi ng musicians at composers.
Pipili ng 12 finalist na ibibilang sa album production at makatatanggap ng cash prizes, trophy at certificates ang mga mananalong choir.
Binubuo naman ng mga kilalang composers, singer song-writers ang board of judges na sina Fr. Carlo Magno Marcelo, Fr. Nilo Mangusad, Vehnee Saturno, Ferdinand Bautista, Julie Grace Namit, Lara Maige kasama si Bishop Marcelino Antonio Maralit Jr. ang chairperson ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Social Communications.
Para sa karagdagang detalye maaring makipag-ugnayan kay Renee Jose ng Religious Department sa numerong 8925-7931 to 39 local 129 at 131 o mag-text sa 0917-631-4589