2,738 total views
Tatlong pinuno ng simbahan ang magsisilbing kinatawan ng Pilipinas sa gaganaping Synod on Synodality kasama ang Santo Papa Francisco na gaganapin sa Vatican sa Oktubre.
Ayon sa inilabas na listahan ng Holy See kabilang sina Kalookan Bishop Pablo Virgilio David; Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara at pangulo at pangalawang pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) at si Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Magiging bahagi din ng delegasyon sa pagtitipon si Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle, pro-prefect ng Dicastery for Evangelization.
Ang talaan ay isinapubliko ng Vatican, tatlong buwan bago ang nakatakdang pagtitipon upang talakayin ang mga nakakalap na usapin sa mga lokal na simbahan sa buong mundo.
Tatlong bahagi ng 364 na voting delegates ng 16th Ordinary General Assembly ng Synod of Bishops ang pinili ni Pope Francis kabilang na sina American Jesuit Father James Martin; ang dating prefect of the Congregation of the Doctrine of the Faith Cardinal Gerhard Ludwig Müller, at Cardinal Blase Cupich ng Chicago.
Sa unang pagkakataon, kinilala rin ng Vatican ang pakikibahagi ng mga layko sa Synod of Bishops bilang mga miyembro at ang karapatan na makaboto sa ilalabas na final document sa pagtatapos ng sinodo sa October 2024.
Kabilang din sa mga napili ng Santo Papa ang 124 na delegado kabilang na sina Cardinal Wilton Gregory ng Washington, D.C., Archbishop Paul Etienne ng Seattle, Cardinal Sean O’Malley ng Boston, at Cardinal Robert McElroy ng San Diego.
Umaabot din sa 50 ang kababaihan ang kabilang sa pagtitipon.
Ilan naman sa mga layko na makikibahagi sa pagtitipon ay sina Cynthia Bailey Manns- director of adult learning sa St. Joan of Arc Catholic Community sa Minneapolis, Minnesota, at Wyatt Olivas mula sa Wyoming, gayundin ang mga delegadong layko mula sa Europa na sina Enrique Alarcón Garcia, ang pangulo ng Spain-based Christian Fraternity of Persons with Disabilities.
Una na ring Ipinalimbag na ng General Secretariat of the Synod ang dokumento na ‘Instrumentum Laboris’ na magiging gabay sa dalawang bahagi ng General Assembly sa Vatican.
Ang dokumento ay binubuo ng 60-pahina na naglalaman ng mga nakalap na karanasan ng mga lokal na simbahan sa buong mundo, kabilang na ang usapin ng digmaan, pang-uusig at epekto ng pabago-bagong klima.
Ang Instrumentum Laboris ay ang gagamiting batayan ng mga dadalo sa General Assembly of the Synod on Synodality na itinakda sa Oktubre ngayong taon, at ang ikalawang bahagi naman ay sa Oktubre ng 2024.