1,685 total views
Binigyang diin ng Catholic Bishop Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care (CBCP-ECPPC) na hindi kailanman mawawala ang likas na dangal ng isang indibidwal sa kabila ng anumang pagkakasalang nagawa sa buhay.
Ito ang ibinahagi ni Legazpi Bishop Joel Baylon, chairman ng komisyon kaugnay sa paggunita ng ika-17 na anibersaryo ng paglagda sa Republic Act (RA) 9346 o ang batas na nagbabawal sa parusang kamatayan sa Pilipinas.
Ayon sa Obispo, ang bawat nilalang ay biniyayaan ng Panginoon ng likas na dangal na hindi basta mawawala at hindi dapat na ipagsawalang bahala.
Ipinaliwanag ni Bishop Baylon na nagmula mismo sa Santo Papa Francisco ang panawagan na kumilos ang lahat upang mawakasan na ang parusang kamatayan sa iba’t-ibang bansa sa buong daigdig at matiyak ang pagbibigay halaga sa kasagraduhan ng buhay maging ng mga nakasala sa lipunan.
“May likas na dangal ang tao na hindi mawawala kahit pa siya gumawa ng masama, that inherent dignity of the human person sabi [ni Pope Francis] is not only because it is a gift of God given to the human person but it gives him the reason to have place here on earth, kasi kung gumawa ng masama yung taong yan at alam ng Diyos na gagawin niya ito, bakit pa niya lalanlangin na alam niyang magiging makakasira na ito sa daigdig itong kriminal na ito, but He allows the person to live.” Ang bahagi ng pahayag ni Legazpi Bishop Joel Baylon.
Tinuran ng Obispo na tularan ng bawat isa ang pambihirang pagmamahal ng Panginoon sa sangkatauhan na sa kabila ng pagiging makasalanan ay buong pusong ini-alay ang kanyang bugtong na anak na si Hesus upang iligtas ang lahat mula sa kasalanan.
“He took upon Himself the violence of humanity so that pagbalik niya pagmamahal talaga, pagmamahal ang ipadama niya para tayo din matutong magmahal. But unless we recognized that as dahil meron tayong likas na dangal mahirap talagang magmahal, laging may kondisyon. We will only love those who are good to us, those who are doing good to others pero yung gumawa ng masama hindi na natin mamahalin, hahatulan, ipapapatay kung kailangan.” Dagdag ni Bishop Baylon.
Bilang paggunita sa ika-17 na anibersaryo ng paglagda sa Republic Act (RA) 9346 o ang batas na nagbabawal sa parusang kamatayan sa Pilipinas ay isang talakayan ang inorganisa ng CBCP – Episcopal Commission on Prison Pastoral Care katuwang ang Coalition Against Death Penalty, Commission on Human Rights, Anti-Death Penalty Asia Network kung saan tinalakay ang kasagraduhan ng buhay ng bawat nilalang.
Taong 2006 ng opisyal na lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang batas na nagbubuwag ng Death Penalty sa bansa kung saan sa ilalim rin ng Administrasyong Arroyo nilagdaan ng Pilipinas ang Second Optional Protocol to the International Covenant on Civil and Political Rights na nagbabawal sa mga kaisang bansa na muling ibalik ang parusang kamatayan.