2,065 total views
Itinanghal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang St. John the Baptist Parish, Archdiocesan Shrine and Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church bilang isang National Shrine.
Isinakatuparan ito sa ikalawang araw ng 126th plenary assembly ng C-B-C-P sa Kalibo Aklan nitong July 9, 2023.
Ito ay batay na rin sa inisyatibo ng pamunuan ng dambana sa pangunguna ni basilica Rector at Parish Priest Rufino Sescon Jr. at sa pamamagitan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.
Unang inilabas ang decree na nagtalagang archdiocesan shrine ang basilica noong May 10 ng kasalukuyang taon.
Kaakibat ng pagiging pambansang dambana ang higit na pagpapayabong da debosyon sa Nuestro Padre Jesus Nazareno na isa sa popular na debosyon ng Pilipinas kung saan dinadaluhan ng milyong deboto tuwing pista sa Enero.
Kasunod nito ipinagkaloob din sa dambana ang mga karapatan bilang National Shrine of the Black Nazarene alinsunod sa nakapaloob sa Canon Law.
Batay sa kasaysayan 1586 nang pinasimulan ng mga misyonerong Franciscano ang simbahan kung saan si Fr. Antonio de Nombella ang unang kura paroko subalit ito ay napinsala ng sunog noong 1603 sa panahon ng Chinese rebellion.
Makalipas ang ilang taon September 1987 nang basbasan ni noo’y Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin ang dambana kasabay ang kahilingang italagang minor basilica na inaprubahan ni Saint John Paul II noong December 11, 1987.