730 total views
Mga Kapanalig, ang mga nars ay maituturing na isa sa mga pundasyon upang maging matatag ang healthcare o pag-aabot ng serbisyong pangkalusugan sa isang bansa. Mahalaga ang kanilang papel sa paghahatid ng lunas sa mga pasyente at pagbibigay ng suporta sa pamilya ng mga naoospital. At hindi biro ang kanilang ginagampanang tungkulin, lalo na noong kasagsagan ng pandemya. Kasama sila sa mga nasa frontline ng paglaban natin sa nakamamatay na virus. Pagód na pagód ang mga nars noong mga panahong iyon; may mga búhay pa nga ang naging kapalit ng kanilang paglilingkod.
Ngunit hindi rin natin sila masisisi kung pipiliin nilang maging nars sa ibang bansa. Ito ang sinasabing sanhi ng kakulangan ng mga pampublikong ospital ng 4,500 na mga nars. Ayon iyan sa bagong kalihim ng Department of Health na si Dr Teodoro Herbosa. Mismong si Pangulong BBM na nga rin ang nagsabi sa isang pahayag na marami sa mga nakakausap niyang lider ng ibang bansa ang humihingi ng mas maraming nars na Pilipino. In-demand talaga ang mga nars mula sa Pilipinas.
Ang isang nakikitang solusyon ni Secretary Herbosa ay ang pagbibigay ng temporary license sa mga nursing graduates na hindi umabot sa passing grade sa nursing licensure examination. Kumakaunti na nga ang kumukuha ng kursong nursing at gumagraduate dito, kakaunti lang din ang nakapapasa sa board exams upang maging ganap na nars. Halos kalahati lamang daw ng mga nursing board exam takers ang pumapasa, dagdag ng kalihim ng DOH.
Bagamat mabuti ang intensyon ng plano ni Secretary Herbosa, nakikita ito ng ilang mambabatas bilang panandaliang remedyo lamang sa mas malalalim na problema sa sektor ng pampublikong kalusugan. Ang pagtatalaga ng mga nars na hindi nakapasa sa board exams ay nangangailangan ng masusing pag-aaral dahil buhay at kaligtasan ng tao ang nakataya. Bagamat ginagawa rin sa ibang bansa ang pag-hire ng mga hindi lisensyadong nursing graduates, dapat na isaalang-alang ng DOH ang kapakanan ng mga pasyente lalo na’t hindi pa rin tayo lubusang malaya sa banta ng COVID-19. Mungkahi rin ng ilang senador na tutukan ang kalidad ng pagtuturo sa mga nursing schools upang mas marami ang pumasa sa licensure exams.
Kung nais nating manatili sa Pilipinas ang mga nars at mabawasan ang tinatawag na brain drain, dapat maipakita ng gobyernong pinahahalagahan nito ang mga nars. Paano natin sila makukumbinsing magtrabaho sa mga pampublikong ospital kung overworked sila? Paano sila maeengganyong manatili rito kung ang sahod naman nila ay kulang upang masuportahan nila ang kanilang sarili at pamilya? Paano nila pipiliing maging nars dito kung kulang ang mga benepisyong kanilang tinatanggap? Mananatiling kaakit-akit para sa ating mga nars ang mangibang-bansa kung mananatiling limitado ang mga oportunidad sa ating bansa upang magkaroon sila ng trabahong may dignidad at ng maayos na buhay.
Ang paglilingkod ng mga bumubuo ng healthcare sector, kabilang ang mga nars, ay isang konkretong pagtugon sa tawag ng Panginoong kalingain ang mga maysakit. “Sapagkat ako ay nagkasakit at inyong dinalaw at inaruga,” wika nga ni Hesus sa Mateo 25:36. Ngunit hindi ito dapat umabot sa puntong mga nars na rin natin ang mismong magkakasakit at makararamdam na wala silang halaga. Gaya ng binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan, ang mga manggagawa, kasama na ang mga nars, ay may karapatan sa isang trabahong nagbibigay-buhay sa kanila.
Mga Kapanalig, nasa gobyerno na ang bola, ‘ika nga, kung paano mahihikayat ang ating mga nars na dito maglingkod. Bumuo na ang DOH ng isang advisory council para tugunan ang mga isyung hinaharap ng nursing profession. Maging magandang simula sana ito ng mas mataas na pagpapahalaga sa ating mga nars.
Sumainyo ang katotohanan.