1,688 total views
Pinaalalahanan ng EcoWaste Coalition ang publiko hinggil sa pagtitipid sa paggamit ng tubig laban sa banta ng El Niño Phenomenon.
Ayon kay EcoWaste National Coordinator Aileen Lucero, sikapin nawa ng bawat isa ang pagdidisiplina sa paggamit ng tubig upang maiwasan ang kakulangan na maaaring humantong sa krisis habang unti-unting nadarama ang epekto ng tagtuyot.
“Habang kami’y nagpapaalala sa tungkulin ng mga otoridad na itaguyod ang karapatan ng mga tao sa tubig, nakikiisa kami sa gobyerno sa paghimok nito sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig sa lahat ng posibleng paraan habang ang buong bansa ay naghahanda sa mga epekto ng El Niño sa suplay ng tubig, agrikultura, ekonomiya at sa buhay ng mga mahihirap,” ayon kay Lucero.
Ibinahagi naman ng grupo ang ilang gabay sa pagtitipid at wastong paggamit ng tubig.
Kabilang rito ang pagsasaayos ng mga tumatagas na tubo, tangke at gripo; at pag-iipon ng tubig-ulan ngunit tiyaking may takip ito upang hindi pamugaran ng lamok.
Gayundin ang paggamit sa mga tubig na pinagpaliguan at pinaglabahan bilang panlinis ng garahe o pandilig sa mga halaman; at huwag hayaang umagos ang tubig tuwing naghuhugas ng mga pinggan, sa halip ay gumamit ng palanggana.
“Kami ay umaapela sa lahat na huwag mag-aksaya ng tubig at proteksyonan ang karapatang pantao sa tubig sa mga buwan ng El Niño at higit pa,” saad ni Lucero.
Pinangangambahan ang pagkaubos ng suplay ng tubig mula sa mga dam sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa mababang bilang ng mga pag-uulan na epekto ng El Niño.
Posibleng higit na maranasan ang epekto ng tagtuyot sa huling bahagi ng taong kasalukuyan hanggang sa kalagitnaan ng taong 2024.
Una nang iminungkahi ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace na higit na makatutulong ang pagdedeklara ng climate emergency sa bansa upang mapaigting ang kamalayan ng mamamayan hinggil sa mga pagbabagong nangyayari sa kapaligiran.