2,545 total views
Umapela ng tulong at suporta ang social and development arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) na Caritas Philippines para sa higit pang pinalawig na misyon ng Alay Kapwa bilang pangunahing fund campaign ng Simbahang Katolika.
Sa programang Pastoral Visit On-Air ng Radio Veritas ay ibinahagi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National President ng Caritas Philippines ang higit na pagpapaigting sa programa ng Simbahan sa pamamagitan ng Alay Kapwa Expanded Campaign.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang patuloy na tulong at suporta ng bawat isa upang higit pang dumami ang matulungan ng Simbahan lalo’t higit ang mga nangangailangan sa lipunan.
“Sa ating mga kababayan at sa ating mga kaibigan kapanalig, sa ngalan po ng Caritas Philippines ay ako po ay nanawagan at humihingi ng inyong tulong sa pamamagitan ng ating Alay Kapwa na malaking tulong po ang konting maibigay ninyo marami tayong matutulungan.” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Pagbabahagi ng Obispo, layunin ng Alay Kapwa Expanded Campaign na higit pang mapalawak ang pangunahing fund campaign ng Simbahan na Alay Kapwa na tuwinang isinasagawa tuwing panahon ng Kwaresma.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo, nakapaloob sa Alay Kapwa Expanded Campaign ang pagsusulong ng programang Alay Kapwa sa buong taon at hindi tuwing panahon ng Kwaresma kung saan inaasahan din ang pagpapaigting ng programa sa pamamagitan ng digital world at social media.
“Alay Kapwa Expanded Campaign, mas pinalawak dati kasi naka focus lang ang Alay Kapwa natin on Palm Sunday Collection, parang naka focus sa Lenten Action Program noong panahon ng kwaresma ngayon expanded na, all year round na ang ating kampanya at hindi lang naka focus sa collection offering sa simbahan , second collection kung minsan. Ngayon gamitin na natin yung digital world. Online donation pwede na, saka we will use social media on our campaign.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Giit ng Obispo, ang pakikibahagi sa programa ng Simbahan na Alay Kapwa ay isang paraan ng pagpapamalas hindi lamang ng pagmamahal sa kapwa kundi maging ng pagmamahal sa Panginoong Diyos.
Ayon kay Bishop Bagaforo, “itong Alay Kapwa ay pagpapamalas ng ating pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa kung natatandaan ninyo iyan ang pinaka una at pinakamataas na utos na bigay utos at aral sa atin ng Panginoong Hesus. Pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa walang iba kung hindi alay kapwa.”
Una ng inihayag ng Caritas Philippines na sa pamamagitan ng pagpapaigting ng Alay Kapwa bilang pangunahing fund campaign ng Simbahan ay madaragdagan pa ang kapasidad ng institusyon na makapaghatid ng tulong at suporta sa mga higit na nangangailangan kung saan layunin nitong makapangalap ng isang milyong donors na mangangakong magbigay ng hindi bababa sa 500-piso bawat taon.
Nakapaloob sa Alay Kapwa Expanded Campaign na isinusulong ng Caritas Philippines ang pitong Alay Kapwa Legacy Program na Alay para sa Kabataan, Alay para sa Kabuhayan, Alay para sa Kalikasan, Alay para sa Kalusugan, Alay para sa Katarungan at Kapayapaan, Alay para sa Karunungan, at Alay para sa Katugunan sa Kalamidad.