1,805 total views
Itinatag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care ang isang samahang naglalayong pagbuklurin ang lahat ng hospital chaplains sa bansa.
Ito ang National Hospital Chaplaincy Association of the Philippines (NHCAP) na napagkasunduan sa ginanap na 2nd National Hospital Chaplaincy Conference 2023 nitong July 10-13, 2023 sa St. Camillus Center for Humanization in Health, Quezon City.
Ayon kay CBCP-ECHC executive secretary, Camillian Father Dan Cancino, layunin ng NHCAP na maging institusyong maghahatid ng mga paghuhubog at pagsasanay para sa mga healthcare workers, at iba pang nangangalaga sa mga may karamdaman.
“Ano ang layunin nito? Una, for formation para ma-professionalize at mabigyan ng formation ang mga naglilingkod para sa mga maysakit katulad ng nurses, healthcare workers, mga doktor na mayroong mga professional training na ginagawa. At dapat din ang mga hospital chaplains ay mayroong training o formation na pagdadaanan,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Kabilang sa formative courses na hatid ng NHCAP ay ang clinical pastoral education; art of caring for the sick; ethical and religious healthcare directives; caring for carers; at spiritual management and leadership in healthcare setting.
Ipinaliwanag ni Fr. Cancino, ang mga nabanggit na kurso ang nakikitang paraan upang “ma-professionalize” ang gampanin ng hospital chaplaincy services o ang pastoral healthcare sa mga ospital.
Nais din ng NHCAP na mapabilang ang hospital chaplaincy sa saklaw ng mga batas at alituntunin sa mga ospital katulad sa ibang bansa.
“Sa ibang bansa may batas, mayroong policies at guidelines ang mga hospital, ang health care system. Kasama ang mga chaplain, ang pastoral care sa talagang pangangalaga sa mga maysakit at pangangalaga sa mga nag-aalaga ng mga may sakit. So, ito’y isang importanteng inclusion sa napakalaking healthcare system,” ayon kay Fr. Cancino
Nasa 72 ang bilang ng mga dumalo sa pagtitipon ng mga hospital chaplains, na naging saksi at nagpatibay sa pagtatatag ng NHCAP.
Dagdag pa ng pari na kabilang din sa mga layunin ng institusyon ang pagsasabuhay ng synodality na sama-samang paglalakbay tungo sa iisang hangarin na mapaglingkuran ang Diyos at mga higit na nangangailangan.
Magsisimula ang formation at training ng NHCAP ngayong Oktubre, na bukas hindi lamang sa mga katoliko, kundi sa lahat ng denominasyon at paniniwala.