3,454 total views
Biyernes ng Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Exodo 20, 1-17
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Mateo 13, 18-23
Friday of the Sixteenth Week in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Exodo 20, 1-17
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, sinabi ng Diyos: “Ako ang Panginoon, ang inyong Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto at humango sa inyo sa pagkaalipin.
Huwag kayong magkakaroon ng ibang diyos, maliban sa akin.
Huwag kayong magkakaroon ng diyus-diyosan o kaya’y larawan o rebulto ng anumang nilalang na nasa himpapawid, nasa lupa o nasa tubig. Huwag kayong yuyukod o maglilingkod sa alinman sa mga diyus-diyusang iyan sapagkat akong Panginoon ay mapanibughuin. Parurusahan ko ang lahat ng aayaw sa akin pati ang kanilang mga anak hanggang sa ikaapat na salinlahi. Ngunit ang lahat ng umiibig sa akin ay pagpapalain ko hanggang sa kanilang kaapu-apuhan.
Huwag ninyong babanggitin sa walang kabuluhan ang pangalang Panginoon sapagkat parurusahan ko ang sinumang bumanggit nito nang walang kabuluhan.
Italaga ninyo sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim na araw kayong gagawa ng inyong gawain. Ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga, at itatalaga ninyo sa akin. Sa ikapitong araw, walang gagawa isa man sa inyo: kayo, ang inyong mga anak, mga katulong, ang inyong mga hayop o sinumang naninirahan sa inyong bayan. Anim na araw na ginawa ko ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito; namahinga ako sa ikapitong araw. Itinangi ko ito at itinalaga para sa akin.
Igalang ninyo ang inyong ama’t ina. Sa gayo’y mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ibinigay ko sa inyo.
Huwag kayong papatay.
Huwag kayong mangangalunya.
Huwag kayong magnanakaw.
Huwag kayong sasaksi sa di katotohanan laban sa inyong kapwa.
Huwag ninyong pag-iimbutan ang sambahayan ng inyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alila, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 8. 9. 10. 11
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Ang batas ng Panginoon ay batas na walang kulang,
ito’y utos na ang dulot sa tao ay bagong buhay;
yaong kanyang mga batas ay mapagtitiwalaan,
nagbibigay ng talino sa pahat ang kaisipan.
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Ang tuntuning ibinigay ng Poon ay wastong utos,
liligaya ang sinuman kapag ito ang sinunod;
ito’y wagas at matuwid pagkat mula ito sa Diyos,
pang-unawa ng isipan yaong bungang idudulot.
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Yaong paggalang sa Poon ay marapat at mabuti,
isang banal na tungkulin na iiral na parati;
pati mga hatol niya’y matuwid na kahatulan,
kapag siya ang humatol, ang pasiya ay pantay-pantay.
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
Ito’y higit pa sa ginto, na maraming nagnanais.
Higit pa sa gintong lantay na ang hangad ay makamit;
matamis pa kaysa pulot, sa pulot na sakdal tamis,
kahit anong pulot ito na dalisay at malinis.
Panginoon, iyong taglay
ang Salitang bumubuhay.
ALELUYA
Lucas 8, 15
Aleluya! Aleluya!
Ang Salitang mula sa D’yos
kapag isinasaloob
ay mamumunga nang lubos.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 13, 18-23
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Pakinggan nga ninyo ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Ang mga nakikinig ng Salita tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi nakauunawa nito ay katulad ng mga binhing nahasik sa tabi ng daan. Dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanilang puso. Inilalarawan ng binhing nahasik sa kabatuhan ang nakikinig ng Salita at masayang tumatanggap nito kaagad. Ngunit hindi ito tumitimo sa puso nila kaya’t hindi sila nananatili. Pagdating ng mga kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita, agad silang nanlalamig. Inilalarawan naman ng naghasik sa dawagan ang nakikinig ng Salita, ngunit naging abala sa mga bagay ukol sa mundong ito, at naging maibigin sa mga kayamanan anupat ang Salita’y nawalan na ng puwang sa kanilang puso, kaya’t hindi makapamunga. At inilalarawan ng naghasik sa matabang lupa ang mga nakikinig ng Salita at nakauunawa nito. Sila’y namumunga: may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Manalangin tayo sa Ama sa Langit upang makinig ang sangkatauhan sa kanyang makapangyarihang salita at magbunga ito sa ating buhay.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, palaguin mo ang iyong salita sa amin.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y maging bukas sa Salita ng Diyos at maipahayag ito sa pamamaraang mauunawaan ng lahat, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga naglilingkod sa bayan nawa’y gawin ang kanilang tungkulin nang may katapatan at dangal, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga magsasaka at ang mga nagtatrabaho sa bukirin nawa’y basbasan ng mabuting panahon at mayamang ani, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kasiyahan at kapayapaan sa mga Salita ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga mahal na yumao nawa’y mamayapa sa Kahariang inihanda para sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.
Panginoong Diyos, magsalita kayo sa amin at gawin mo kaming makinig sa iyo. Magbunga nawa ito ng buhay Kristiyano sa amin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.